BAGONG UMAGA
Magandang-magandang araw ng Biyernes kapatid kay Kristo. Pasalamatan natin ang Diyos sa biyaya ng buhay at kalakasan, at sa lahat ng pagpapalang inilaan Niya sa atin para sa araw na ito. Ito po si Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul. Pakinggan na natin ang Mabuting Balita ayon kay San Mateo kabanata siyam, talata siyam hanggang labintatlo.
Ebanghelyo: Mt 9:9-13
Sa paglalakad ni Hesus, nakita niya ang isang lalaking nagngangalang Mateo na nakaupo sa singilan ng buwis at sinabi niya rito: “Sumunod ka sa akin.” At tumayo si Mateo at sinundan s’ya. At habang nasa hapag si Hesus sa bahay ni Mateo, maraming taga-singil ng buwis at iba pang makasalanan ang lumapit at nakisalo kay Hesus at sa kanyang mga alagad. Nang makita ito ng mga Pariseo, tinanong nila ang kanyang mga alagad: “Bakit kumakaing kasama ng mga makasalanan at maninigil ng buwis ang inyong guro?” Nang marinig ito ni Hesus, sinabi niya: “Hindi ang malulusog ang nangangailangan ng doktor kundi ang mga may sakit! Sige, matutunan sana ninyo ang kahulugan ng ‘Awa ang gusto ko, hindi handog.’ Hindi ako pumarito para tawagin ang mabubuti kundi ang mga makasalanan.”
PAGNINILAY
Isinulat ni Sr. Rose Agtarap ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. Postulant ako noong magmisyon kami sa Maconacon, isang coastal municipality ng Isabela na isolated sa buong probinsiya. Walang ibang transportasyon maliban sa dagat at himpapawid. Isang beses isang taon lang daw silang napupuntahan ng pari para magmisa. Nakiusap sila kung pwedeng mag-service of the Word. Sumang-ayon naman ang madreng kasama ko. Akala ko siya ang mamumuno kasi Ilokana siya, pero sinabihan niya akong maghanda ng homiliya para sa service kinabukasan. Bata pa ako, walang alam sa Biblia, hindi ako marunong mag-ilokano at wala akong references. (Pero naisip ko: araw-araw akong nagsisimba at tumatanggap ng komunyon. Mayroon naman siguro akong natutunan na maaaring pumawi sa uhaw ng mga tao sa Salita ng Diyos.) Panalangin at habag sa mga tao ang nagbigay sa akin ng lakas ng loob upang magbahagi. Hindi ko na maalala kung ano ang sinabi ko. Pero pagkatapos ng service, sinabihan ako ng kanilang pinuno na ýun daw homiliya ko ang talagang kailangang marinig ng mga taga-roon. Kahit na sa pagbisita namin sa bahay-bahay, patuloy pa rin ang pasasalamat nila sa homiliya. Hindi ko malilimutan ang karanasang iyon dahil alam kong hindi ako ang nagsalita sa kanila. Ang habag ng Diyos sa aking kahinaan at kakulangan ang gumalaw sa aking puso at nagsalita sa aking mga labiupang ang Mabuting Balita ay maibahagi ko. At kapag natutukso akong magyabang at isiping magaling ako, naaalala ko ang Maconacon at ang leksiyong natutunan ko roon. Hindi ako kundi Siya, ang Espiritung Banal, ang gumagalaw at nangangaral sa akin. Kapatid, hindi hadlang ang anumang kahinaan, kakulangan o kasalanan upang maging instrumento ng Diyos. Tulad ni Mateo, tinatawag ang bawat isa sa atin ng Panginoon. Kanino ka gustong ipadala ng Panginoon ngayong araw na ito? Handa ka bang maging instrumento ng kanyang habag at pagmamahal?