Daughters of Saint Paul

Hulyo 7, 2024 – Ika-14 na Linggo sa Karaniwang Panahon 

Ebanghelyo: Mark 6:1-6

…Pumunta si Jesus sa kanyang bayan, kasama ng kanyang mga alagad. Nang sumapit ang Araw ng Pahinga, nagsimula siyang magturo sa sinagoga.namangha silang lahat at nagsabi:”Ano’t nangyari kanya ang lahat ng ito? Saan kaya galing ang karunungang ito na ipinagkaloob sa kanya, at saan din kaya galing ang mga himalang ito na nagagawa ng kanyang mga kamay? Di ba’t siya ang karpintero? Ang anak ni Maria at kapatid nina Jaime, Jose, Simon at Judas? Hindi ba’t narito sa piling natin ang lahat niyang kapatid na babae?”At bulag sila tungkol sa kanya. Sinabi naman sa kanila ni Jesus:”Sa kanyang sariling bayan lamang, sa sariling kamag-anakan at sambahayan hinahamak ang isang propeta.”At hindi niya nakayang gumawa ng himala roon. Ilang maysakit lamang ang pinagaling niya sa pagpapatong ng kamay. At namangha siya sa kawalan nila ng paniniwala.  

Pagninilay:

May kakilala ka bang lagi na lang nakakakita ng kapintansan o kakulangan ng iba? Yung laging may reklamo sa anumang ginagawang maganda o mabuti ng ibang tao. Laging may pagdududa o kinekwestyon ang pakay ng iba sa paggawa ng maganda. At imbes na magpasalamat sa mga blessings na kanilang tinatanggap ay naka-focus sa kung ano ang meron sa iba na wala sila. O naranasan mo bang ikaw mismo ang naging judgmental at critical? Kapatid, ganito rin tayo kung minsan, di po ba? Hindi tayo makapaniwala na meron pala silang kakayahan at accomplishments dahil nainggit na tayo. O kaya nama’y nagselos na, dahil marami silang kaibigan at nagmamahal sa kanila. Kaiingat tayo, kapatid, kasi baka matulad tayo sa mga kababayan ni Jesus. Nagturo siya sa kanilang sinagoga, gumawa siya ng mga himala sa gitna nila, pero naging bulag sila sa tunay na katauhan ni Jesus. Nakakabulag ang pagkainggit at nagtutulak ito na gumawa pa ng ibang kasalanan. Sa halip na buksan ang puso sa pasasalamat at mga biyayang handog ng Diyos, sinasarhan ng inggit ang pintuan upang malayang makakilos ang Diyos sa ating buhay. Ngayong Linggo, suriin natin ang ating puso. Kung titingnan ba ito ng Panginoon, mamamangha rin ba siya sa kawalan ng ating paniniwala?