Daughters of Saint Paul

HULYO 8, 2021 – HUWEBES SA IKA -14 NA LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: Mt 10:7-15

Sinabi ni Hesus sa Labindalawa: “Ipahayag ang mensaheng ito sa inyong paglalakbay: ‘Palapit na ang Kaharian ng Langit’. Pagalingin ang maysakit, buhayin ang patay, linisin ang mga may ketong at palayasin ang mga demonyo. Ibigay n’yo nang walang bayad ang tinanggap n’yo nang walang bayad. Huwag magdala ng ginto, pilak o pera sa inyong mga bulsa. Huwag magdala ng balutan o sobrang damit o sandalyas o tungkod sapagkat nararapat ang manggagawa sa kanyang ikabubuhay. Pagdating n’yo sa isang bayan o baryo, maghanap ng isang taong karapat-dapat at sa kanya makituloy hanggang sa inyong pag-alis. Pagpasok n’yo sa isang tahanan, dasalan ito ng kapayapaan. Kung karapat-dapat ang sambahayang ito, sasakanila ang kapayapaang dinasal n’yo; kung hindi naman karapat-dapat, babalik sa inyo ang inyong dasal. At kung may bahay o bayang hindi tatanggap sa inyo o makikinig sa inyong mga salita, lumabas sa bahay o bayang iyon at ipagpag ang alikabok sa inyong mga paa. Sinasabi ko sa inyo, mas magiging magaan pa sa araw ng paghuhukom para sa mga taga-Sodom at Gomorra kaysa bayang iyon.”

PAGNINILAY

Isinulat ni Brother Robert Lauigan, ng Association of Pauline Cooperator- Tuguegarao ang pagninilay sa ebanghelyo.  Sampung taong gulang palang ako ng ako’y tinawag ng Panginoon sa gawaing paglilingkod sa simbahan.  Nag-umpisa ako bilang sacristan; at nung magbinata ako, naging kasapi ako ng maraming organisasyon at movements  katulad ng Catholic Charismatic Renewal, Biblical at Prison Apostolate, Association of Pauline Cooperators, Basic Ecclesial Community at marami pang iba. Hindi ko lubos maisip na maisabak sa mga gawaing ito, dahil ako po ay mahiyain at tahimik lamang. Marunong ang Diyos, dahil sa kahinaan ko pala niya ako gagamitin/ para maglingkod sa kaniya. Taong 2003, nang ako ay mag-asawa, sa edad na apatnapu’t dalawa (42), kay Julie, na tatlumpung (30) taon ang edad noong kami’y ikinanasal.  Biniyayaan kami ng tatlong anak na sina Paul, Peter at Luisa Pauleen. Lahat sila ngayon ay aktibo ding naglilingkod sa simbahan.   Ang pagkakaroon ng pamilya na may tatlong anak ay panibagong misyon ng pagiging alagad ko sa Diyos. Masaya at hindi madali, pero sa awa, tulong at gabay ng Diyos, naisasabuhay at naaakay ko sila na mapalapit sa ating Panginoon.  Salamat sa Diyos sa patnubay, sa paggabay at pag-akay sa pamilya ko para gawin ang plano ng Diyos para sa kaniyang kapurihan at kaluwalhatian.