Ebanghelyo: Mateo 10:24-33
Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Hindi hihigit sa kanyang guro ang alagad, o higit sa kanyang amo ang utusan. Hangad lamang ng alagad na tularan ang kanyang guro, at ng utusan ang kanyang amo. Kung tinawag na Beelzebul ang may-ari ng bahay, ano pa kaya ang kanyang mga kasambahay! Kaya huwag kayong matakot sa kanila. Walang tinatakpan na hindi nabubunyag at walang natatago na hindi nahahayag. Ang sinasabi ko sa inyo sa dilim, ipahayag ninyo sa liwanag. Ang narinig ninyo nang pabulong, ipahayag mula sa bubong. Huwag matakot sa mga nakapapatay ng katawan ngunit hindi ng kaluluwa. Matakot kayo sa may kapangyarihang sumira ng kaluluwa pati ng katawan sa impiyerno. Nabibili ang dalawang maya kahit na sa ilang sentimo, wala isa mang bumabagsak sa lupa na hindi niloloob ng Ama. At kayo, bilang na pati buhok sa inyong ulo. Kaya huwag kayong matakot: mas mahalaga kayo kaysa mga maya. Ang sinumang kumilala sa akin sa harap ng mga tao ay kikilalanin ko sa harap ng aking Ama sa Langit. At ang ayaw kumilala sa akin sa harap ng mga tao ay hindi ko rin kikilalanin sa harap ng aking Ama sa Langit.”
Pagninilay:
HALAGA. Ito ang isang salita ng nagpapaliwanag na buod ng ating Mabuting Balita ngayon. Ano ang halaga mo, kapanalig? Paano mo pinaninindigan ang halaga ng pagkatao mo? May mga nababasa ako sa Facebook na nagpopost ng ganito: “Ang hirap mong mahalin… hindi ka kaaway, ikaw ang ipinaglalaban…Pilit kang iniaahon, subalit parang kuntento ka na sa kinasasadlakan mo.” Mahirap nga naman tulungan ang taong ayaw tulungan ang sarili dahil masaya na sya sa kung ano ang nakasanayan na. Kapanalig, hindi kaya ganito rin ang nararamdaman ng Diyos kapag todo kapit tayo sa makasalanang pamumuhay? Ganito rin marahil ang panghihinayang ng Diyos kapag ayaw na nating talikuran ang ating mga maling gawain na para bang hanggang doon na lang ang buhay. Gayon pa man, hindi tayo sinusukuan ng Diyos. Patuloy tayong minamahal kahit gaano pa katigas ng ulo natin. Patuloy nya tayong minamahalaga kahit hindi natin nakikita kung gaano tayo kahalaga sa Kanya na ibinuwis nya ang kanyang buhay upang makamtan natin ang buhay na makalangit. Nawa’y makita natin ang halaga ng ating pagkatao at mamuhay nang naayon dito.