BAGONG UMAGA
Purihin ang Diyos sa pagpasok natin sa Ika-labing apat na Linggo sa Karaniwang panahon ng ating liturhiya. Pasalamatan natin Siya sa isang linggong nagdaan, sa mga biyaya at pagpapala, lalo na sa patuloy Niyang pag-iingat at paggabay sa atin hanggang sa oras na ito. (Anuman ang pinagdadaanan natin sa buhay – problemang pisikal at pinansyal, problema sa relasyon sa pamilya at sa opisina, problema sa kabuhayan at marami pang alalahanin sa buhay – may mabuting balita ang Panginoon sa atin ngayon.) Ito po ang inyong lingkod Sr. Lina Salazar ng Daughters of St. Paul na nag-aanyayang buksan na natin ang puso at isip sa paggabay ng Banal na Espiritu upang maunawaan ang mensahe ng Mabuting Balita ayon kay San Mateo kabanata Labing-isa, talata dalawampu’t lima hanggang tatlumpu.
EBANGHELYO: Mt 11:25-30
Nagsalita si Hesus sa pagkakataong iyon: “Pinupuri kita, Amang Panginoon ng Langit at lupa, sapagkat itinago mo ang mga bagay na ito sa matatalino at marurunong, at ipinamulat mo naman sa mga karaniwang tao. Oo, Ama, ito ang ikinasiya mo. Ipinagkatiwala sa akin ng aking Ama ang lahat. Walang nakakakilala sa Anak kundi ang Ama, at walang nakakakilala sa Ama kundi ang Anak at ang sinumang gustuhing pagbunyagan ng Anak. “Lumapit sa akin, lahat kayong nahihirapan at may pinapasan, at pagiginhawain ko kayo. Kunin ninyo ang aking pamatok at matuto sa akin na mahinahon ako at mababang-loob, at makakatagpo kayo ng ginhawa para sa inyong kaluluwa. Sapagkat mabuti ang aking pamatok at magaan ang aking pasanin.”
PAGNINILAY
Isinulat ni Fr. Baste Gadia ng Society of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo. Sa ating Mabuting Balita ngayon, inaanyayahan tayo ng ating Panginoong Hesukristo: “… Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na napapagal at nabibigatan sa inyong pasanin, at kayo’y pagpapahingahin ko.” Ang nais iparating sa atin ng ating Panginoong Hesukristo, ay lumapit tayo sa kanya, sa tuwing tayo’y nabibigatan na, at wala nang maintindihan dahil sa tindi ng ating mga pinagdadaanan sa buhay. Huwag nating hanapin ang ating kapahingahan sa alak, sa droga at anu-ano pang mga bisyo, na akala natin yun ang makapagbibigay sa atin ng pahinga. Mas dinadagdagan lang ng mga ito, ang problema natin. Lumapit lamang tayo sa ating Panginoong Hesukristo, dahil siya ang ating lakas at pahinga. Mga kapatid, sa isang linggo nating pagtatrabaho, pinagkalooban tayo ng Diyos ng isang araw na pahinga, at yan ay araw ng linggo. Naway tuwing linggo, ibigay natin ang isang oras na pagsisimba upang tagpuin Siya, at pasalamatan sa lahat ng mga biyaya na ibinibigay niya sa atin. At isa na rito, ang biyaya ng pahinga na sa Kanya lamang natin matatagpuan. Amen.