Daughters of Saint Paul

Hunyo 02, 2017 BIYERNES Ikapitong Linggo ng Pasko ng Pakabuhay / San Marcelino at San Pedro, mga martir

 

Gawa 25: 13b-21 – Slm 103 – Jn 21:15-19

Jn 21:15-19

Nang makapag-almusal na si Jesus at ang kanyang mga alagad, sinabi ni Jesus kay Simon Pedro: “Simon, anak ni Juan, mahal mo ba ako nang higit pa sa mga ito?”  Sinabi nito sa kanya:  “Oo, Panginoon, ikaw ang nakaaalam na iniibig kita.”  Sinabi sa kanya:  “Pakanin ang aking mga kordero.”  Sinabi sa kanyang makalawa:  “Simon, anak ni Juan, mahal mo ba ako?”  Sinabi nito sa kanya:  “Oo, Panginoon, ikaw ang nakaaalam na iniibig kita.”  Sinabi sa kanya:  “Akayin mo ang aking mga tupa.” Sinabi sa kanyang makaitlo:  “Simon, anak ni Juan, iniibig mo ba ako?”

            Nalungkot na si Pedro dahil makaitlo siyang tinanong:  “Iniibig mo ba ako?”  kaya sinabi niya:  “Panginoon, ikaw ang nakaaalam ng lahat; alam mong iniibig kita.”  Sinabi nito sa kanya: “Pakanin mo ang aking mga tupa.

             “Talagang-talagang sinasabi ko sa iyo, nang bata-bata ka pa, nagbibigkis ka sa iyong sarili at palakad-lakad ka saan mo man loobin. Ngunit pagtanda mo’y ididipa mo naman ang mga kamay mo, at iba ang magbibigkis sa iyo at magdadala sa ayaw mo.”  Tinukoy naman ito ni Jesus bilang pananda sa paraan ng kamatayang ipanluluwalhati ni Pedro sa Diyos.  At pagkatapos nito ay sinabi niya:  “Sumunod ka sa akin!”

PAGNINILAY

Sa Ebanghelyong ating narinig tatlong beses tinanong ng Panginoong Jesus si Pedro kung mahal niya siya. At sa bawat pagtugon niya ng “Oo,” kasunod nito ang misyong – pakanin ang Kanyang mga kordero, akayin ang Kanyang mga tupa, at pakanin ang Kanyang mga tupa.  Patunay ito, na magkatambal nga ang pag-ibig sa Diyos at pag-ibig sa kapwa.  Hindi ito maaaring paghiwalayin!  Hindi ganap, kundi man hindi tunay na pag-ibig ang umibig sa Diyos o umibig lamang sa kapwa.  Ito ang dahilan kung bakit sa tuwing tinatanong ni Jesu-Kristo kung iniibig ba talaga Siya ni Pedro at sumasagot naman si Pedro ng “iniibig ko po kayo,” sinusundan ito ni Jesu-kristo nang atas na  “pakainin mo ang aking tupa.”  Nangangahulugan ito na ang tunay na nagmamahal sa Diyos, kinakailangang nagmamahal at naglilingkod din sa kapwa.  Gayundin naman, ang tunay na nagmamahal sa kapwa, nagmamahal din sa Diyos.  Mga kapatid, tunay na magkatambal at magkatuwang ang pag-ibig sa Diyos at pag-ibig sa kapwa.  Ito ang hamon sa bawat isang Kristiyano – ang umibig sa paraan nang pag-ibig ni Jesu-Kristo sa Kanyang Ama at sa Kanyang kapwa.  Manalangin tayo.  Panginoon, tulungan Mo po akong maisabuhay ang aking pagiging Kristiyano sa pamamagitan ng taos-pusong paglilingkod ko Sa’yo at sa aking kapwa.  Amen.