Tb 1:3; 2:1a-8 – Slm 112 – Mk 12:1-12
Mk 12:1-12
Nagsimulang magsalita si Jesus sa talinghaga. “May nagtanim ng ubasan; binakuran ang paligid nito, humukay para pisaan ng ubas, at nagtayo ng toreng bantayan. Pinaupahan niya ang ubasan sa mga magsasaka at naglakbay sa malayo.
Nang panahon na ng anihan, pinapunta niya ang isang katulong sa mga magsasaka para kubrahin ang bahagi niya sa ani. Ngunit sinunggaban nila ito at pinaalis na walang dala. Nagpadala uli sa kanila ang may-ari ng isa pang katulong pero hinampas ito sa ulo at hinamak. Nagpadala rin siya ng iba ngunit pinatay naman ito. At marami pa siyang ipinadala; hinampas ang ilan sa kanila at pinatay ang iba.
“Mayroon pa siyang isa, ang minamahal na anak. At pinadala niya siyang pinakahuli sa pag-aakalang 'igagalang nila ang aking anak.' Ngunit nang makita siya ng mga magsasaka, inisip nila: 'Ito ang tagapagmana. Patayin natin siya at mapapasaatin ang mana.' Kaya hinuli nila siya at pinatay, at itinapon sa labas ng ubasan.
“Ano ngayon ang gagawin ng may-ari ng ubasan? Darating siya't lilipulin ang mga magsasaka at ibibigay ang ubasan sa iba. Hindi ba ninyo nabasa ang Kasulatang ito? Naging panukulang bato ang tinanggihan ng mga tagapagtayo. Gawa ito ng Panginoon, at kahanga-hanga ang aking nakita.”
Huhulihin na sana nila siya pero natakot sila sa mga tao. Naunawaan nga nila na sila mismo ang tinutukoy niya sa talinghagang ito. Iniwan nila siya at lumayo.
PAGNINILAY
Sa Ebanghelyong ating narinig, sinasagisag ng Diyos nating Tagapaglikha ang tagapagtanim ng ubasan. Tayong mga tao ang magsasaka, na ginawa Niyang katiwala para pangalagaan at pagyamanin ang ubasan. Ang ubasan, ang mundo kung saan tayo nabubuhay, nagtatrabaho at umiiral. Ang mga katulong ang kumakatawan sa mga propeta at sinugo ng Diyos na nagpapa-alala sa atin tungkol sa utos ng Diyos at tungkol sa ating katatayuan sa harap Niya. At ang Kanyang kahuli-hulihang ipinadala, ang bugtong na Anak sa pag-aakalang igagalang natin Siya. Pero pinahirapan din natin Siya’t pinatay. Mga kapatid, pinaalalahan tayo ng Ebanghelyo ngayon na sa mundong ating ginagalawan, pawang mga katiwala lamang tayo ng Diyos. Wala tayong sariling pag-aari na hindi galing sa Kanya. Lahat nang mayroon tayo, ang ating mga ari-arian at yaman; ang ating talino at mga kakayahan, ang ating pamilya at trabaho, maging ang ating buhay – pawang kaloob, na galing sa Kanya. Kaya’t wala tayong dapat ipagmalaki. Sa halip, lagi nating alalahanin na tayo’y pawang katiwala lamang nang lahat ng bagay na pinahiram sa atin ng Diyos. Gamitin sana natin ang ating buhay at lahat ng meron tayo para sa Kanyang kapurihan.