Daughters of Saint Paul

Hunyo 1, 2018 Biyernes sa Ikawalong Linggo ng Taon / San Justino, martir (Paggunita)

MARCOS 11:11 – 26

Dumating si Jesus sa Jerusalem at pumasok sa Templo. Minasdan niya ang lahat at dahil magdadapithapon na, bumalik siya sa Betania kasama ang Labindalawa. Kinaumagahan, paglabas nila sa Betania, nagutom siya. Nang mapansin niya sa malayo ang isang puno ng igos na may mga dahon, nilapitan niya iyon kung makakita siya roon ng anuman. Ngunit paglapit niya, wala siyang natagpuang anuman kundi mga dahon lamang. Hindi nga panahon ng igos. Kaya sinabihan niya ang puno: “Wala nang bungang makakain mula sa iyo magpakailanman.” At narinig ito ng kanyang mga alagad. Pagkarating ni Jesus sa Jerusalem, pumasok siya sa Templo at sinimulan niyang palayasin ang mga nagtitinda at bumibili sa patyo ng Templo. Itinaob niya ang mga mesa ng mga nagpapalit ng pera at ang mga upuan ng mga nagtitinda ng mga kalapati. At hindi niya pinayagan dumaan sa Templo ang may dalang anumang bagay.         Tinuruan niya sila at sinabi: “Hindi ba nasusulat na, tatawaging bahay-dalanginan para sa lahat ng bansa ang aking bahay?Ngunit ginawa ninyo itong kuta ng mga magnanakaw.” …At nang hapon na, muli silang lumabas sa lunsod. Pagbalik nila kinaumagahan, nakita nilang natuyo hanggang-ugat ang punong-igos. Kaya naalala ni Pedro ang tungkol dito at sinabi niya: “Guro, natuyo ang isinumpa mong punong-igos.” At nagsalita si Jesus sa kanila: “Sumampalataya kayo sa Diyos. Sa totoo lang, sinasabi ko sa inyo: kung may magsasabi sa bundok na ito: 'Tumayo ka't itapon ang iyong sarili sa dagat!' at wala siyang alinlangan kundi naniniwala siyang mangyayari ang kanyang sinasabi, mangyari ito sa kanya.”

PAGNINILAY:

Ang pagninilay sa Ebanghelyo ngayon isinulat ng aming madre na si Sr. Rose Agtarap.  Noong nobisyada po ako, tinuruan kami ng aming guro na isa ring madre tungkol sa panalangin. Kung may hihilingin daw kami kay Jesus, hingin namin yung imposible. Bakit ka nga ba hihingi ng bagay na posibleng mangyari sa Diyos ng mga imposible. Parang minamaliit daw natin ang Diyos kung ang hihingin sa kanya, mga bagay na pwede naman nating pagsikapang tayo ang gumawa. Ang kailangan natin, pananampalataya at pananalig! Gaya ng sinasabi ni Jesus sa ebanghelyo ngayon. Sa kapangya-rihan ng Diyos at pananalig ng tao, pati ang bundok, lilipat sa dagat kung hindi tayo mag-aalinlangan sa ating pananampalataya. Kapanalig, may kahilingan ka ba sa Diyos? Manalangin ka nang may pananalig at makakamtan mo ito. Amen.