Daughters of Saint Paul

HUNYO 1, 2019 SABADO SA IKA-6 NA LINGGO NG PASKO NG PAGKABUHAY Paggunita kay San Justino, Martir

EBANGHELYO: Juan 16:23b-28  

 

 

 

PAGNINILAY:

Malinaw ang itinuturo sa atin ng Mabuting Balita ngayon – humingi tayo sa Ama sa Ngalan ng Panginoong Jesus.  Tanging sa pangalan ng Panginoong Jesus, nakalalapit tayo sa Ama, dahil Siya ang Daan ng pakikipagkaisa natin sa Ama.  Ano bang ibig sabihin nang pananalangin sa Ngalan ni Jesus?  Hindi lang ito simpleng pagdagdag ng mga salitang “Sa Ngalan ni Jesus” o “Sa pamamagitan ni Jesus na ating Panginoon”sa dulo ng ating bawat panalangin.  Higit na mahalaga ang pakikiisa ng ating kalooban sa kalooban ni Jesus, at pagbubukas ng ating sarili sa pagtanggap ng Kanyang banal na plano. Kapag ginusto natin ang nais ni Jesus para sa atin, kapag iniayon natin ang ating kalooban sa Kanyang kalooban, kahit hindi pa ito masyadong malinaw sa atin – nakatitiyak tayo na “humihiling tayo sa pangalan ni Jesus.” At kapag nagawa natin ito, mapupuno tayo ng kagalakan na maranasan ang katuparan ng Kanyang pangako na “Humingi tayo at tayo’y bibigyan, para malubos ang ating kagalakan.”  Mga kapatid, suriin natin ang paraan ng ating pagdarasal at ang nilalaman ng ating dasal.  Ipinipilit ba natin sa Diyos ang gusto natin? O, sinisikap din nating alamin ang Kanyang kalooban?  Huwag lang tayo puro salita ng salita kapag nagdarasal.  Matuto rin tayong makinig sa Diyos na nangungusap sa kaibuturan ng ating puso.  Tiyak na malalaman natin ang Kanyang kalooban, at maiaayon natin ang ating kalooban sa Kanyang kanyang kalooban. (Panginoon, marapatin Mo pong makapaglaan ako ng panahon araw-araw sa isang tahimik na panalangin, upang marinig ko ang Iyong tinig na nangugusap sa aking puso, Amen.)