Daughters of Saint Paul

HUNYO 1, 2021 – MARTES SA IKA-SIYAM NA LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: Mk 12:13–17

Gustong hulihin ng mga Judio si Jesus sa sarili niyang mga salita. Kaya pinapunta nila kay Jesus ang ilan sa mga Pariseo kasama ng mga kampi kay Herodes. Nilapitan nila siya at sinabi: “Guro, nalalaman naming tapat ka at hindi napadadala sa iba. Hindi ka nagsasalita ayon sa kalagayan ng tao  kundi tunay na itinuturo ang daan ng Diyos. Kaya ayon ba sa Batas na magbayad ng buwis sa Cesar?” Nang makita ni Jesus ang kanilang pagkukunwari, sinabi niya sa kanila: “Bakit n’yo ako sinusubok? Akin na ang isang denaryo.” Iniabot nila sa kanya ang isang denaryo at sinabi sa kanila ni Jesus: “Sino ang nakalarawan dito, na narito rin ang kanyang pangalan?” “Ang Cesar.” “Ibigay nga sa Cesar ang para sa Cesar, at sa Diyos ang para sa Diyos.” Lubha silang namangha sa kanya.

PAGNINILAY

“Ibigay sa Cesar ang para sa Cesar, at sa Diyos ang para sa Diyos.”  Di nga natin mapaglilingkuran ng sabay ang Diyos at pera, dahil siguradong mamahalin natin ang isa at kamumuhian ang isa pa.  Mga kapatid, suriin natin:  Alin ba ang mas matimbang sa buhay mo ngayon?  Ang Diyos ba? O, ang sobrang pagkaabala para kumita ng pera? Sa aking palagay ko, parehas silang mahalaga para tayo’y mabuhay. Lalo na sa panahon ngayon ng pandemya na bagsak ang ekonomiya, marami ang nawalan ng trabaho, at marami ang nagkakasakit. Totoong matindi ang pangangailangan nating magkapera para maitaguyod ang pang-araw-araw na pangangailangan ng ating pamilya.   Pero, sinasabi din sa Mateo 6:33:  “Seek first the Kingdom of God and His righteousness, and all these things will be added unto you.”  Manalig tayo, na kung uunahin natin Diyos na Siyang nagmamay-ari ng lahat-lahat, at Siyang nakakaalam nang lahat-lahat, wala tayong dapat ikabahala, we are in good hands.  Siya ang bukal ng biyaya at pagpapala, at nalalaman Niya ang pangangailangan natin!  Magtiwala tayo na ipagkakaloob Niya ang lahat ng ating espiritwal at materyal na pangangailangan sa panahong Kanyang itinakda.  Samantalang kung puro pagkamal ng pera ang ating aatupagin kahit sa maling paraan, at pera na ang dinu-diyos natin – maaaring dalhin tayo nito sa kapahamakan, na siyang maglalayo sa atin sa Diyos. Kaya mga kapatid, napakahalaga na sa pagsusumikap nating kumita ng pera para mabuhay, huwag nating isasantabi ang Diyos, para magabayan tayo sa wastong paggamit ng pera sa kabutihan at para sa Kanyang kapurihan, Amen.