Ebanghelyo: LUCAS 24:46-53
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Ganito ang nasusulat: kailangang magdusa ang Mesisas at pagkamatay Niya’y buhayin sa ikatlong araw. Sa ngalan Niya, ipapahayag sa lahat ng bansa ang pagsisisi at ang kapatawaran ng mga kasalanan. Sa Jerusalem kayo magsisimula.” Kayo ang mga magiging saksi sa mga ito. Ipapadala ko naman ngayon sa inyo ang ipinangako ng aking Ama, kaya manatili kayo sa lunsod hanggang mabihisan kayo ng lakas mula sa itaas.
At lumabas sila ni Jesus hanggang sa may Betania, at itinaas niya ang kanyang mga kamay at binasbasan niya sila. Humiwalay siya sa kanila at dinala sa Langit. Sinamba naman nila siya. Nagbalik sila sa Jerusalem na puspos ng galak at lagi sila sa Templo na nagpupuri sa Diyos.
Pagninilay:
Merong pinagkaiba ang salitang disciple sa apostle. Ang salitang disciple ay nagmula sa salitang Latin discipulus na ang ibig sabihin ay tagasunod o estudyante. Ang salitang apostle naman ay nagmula sa salitang apostolus na ang ibig sabihin ay ipinadala. Dumadaan muna sa pagiging disipulo ang isang apostol. Kailangan munang mag-aral o dumaan sa isang formation ang isang disipulo para magampanan niya nang mas epektibo ang kanyang misyon saan man siya ipadala.
Noong tinawag ni Hesus ang kanyang mga alagad, hindi naman sila agad isinugo ni Hesus upang magturo at magpalaganap ng Mabuting Balita, magpagaling ng mga may sakit, magpalayas ng demonyo at magbinyag. Hinayaan muna niyang sumailalim sila sa formation para sa mission. Ipinaalam ni Hesus sa kanyang mga alagad na importante ang pagkaroon ng malalim na pakikiisa sa kanya, bago nila magampanan ang misyon.
Sa Mabuting Balita ngayon, narinig natin ang pagsugo ng ating Panginoong Hesukristo sa kanyang mga alagad. Sila ngayon ay ganap na mga apostol. Ngayong mga apostol na sila, hindi ibig sabihin ay hindi na nila kailangan ang komunyon sa Diyos habang sila ay nasa misyon. Communion and Mission, parehong mahalaga ang dalawang ito para sa isang apostol. Ang misyon na ginagawa ng mga apostol ay bunga ng pagkakaroon nila ng komunyon sa Diyos. Sa bisa ng ating binyag tayo rin ay naging disipulo at apostol. Lagi nating alalahanin na ang Diyos pa rin ang gumagawa ng misyon. Nakikibahagi lamang tayo rito. Bilang mga disipulo at apostol, magkaroon nawa lagi tayo ng komunyon sa Diyos upang dumaloy ang misyon na ipinagkatiwala niya sa atin.