Ex 34:4b-6, 8-9 – Dn 3 – 2 Cor 13:11-13 – Jn 3:16-18
Jn 3:16-18
Sinabi ni Jesus kay Nicodemo, “Ganito nga kamahal ng Diyos ang mundo! Kayat ibinigay niya ang kanyang bugtong na anak upang hindi na mawala ang bawat nananalig sa kanya kundi magkaroon ng buhay magpakailanman.
Hindi nga sinugo ng Diyos sa mundo ang Anak upang hukuman ang mundo kundi upang maligtas ang mundo sa pamamagitan niya. Hindi hinuhukuman ang nananalig sa kanya. Ngunit hinukuman na ang hindi nananalig pagkat hindi siya nananalig sa Ngalan ng bugtong na Anak ng Diyos.”
PAGNINILAY
Palagi nating naririnig ang mga katagang “Mahal tayo ng Diyos.” Pero dahil sa paulit-ulit na natin itong naririnig, marahil nagsawa na tayo dito, nawalan na ito ng kabuluhan at naging ordinaryo na lamang sa ating pandinig. At dahil sa mga paghihirap na dinaranas natin sa buhay, minsan nalilimutan na nating mahal nga tayo ng Diyos. Minsan pa nga, dahil sa sobrang hirap sa buhay at nawawalan na tayo ng pag-asa – hindi maalis sa atin ang magtanong, “totoo nga kayang may Diyos?” Bakit hinahayaan Niya akong maghirap ng ganito? Mga kapatid, totoong mahal na mahal tayo ng Diyos sa kabila ng ating pagiging makasalanan. Ano ang pruweba ng pagmamahal ng Diyos sa atin? Simple lamang. Sa tuwing papasok tayo ng simbahan, makikita natin si Kristo na nakapako sa Krus. Ito ang pinakamahalagang patunay ng Kanyang pagmamahal sa atin. Sino nga ba naman sa atin ang kayang isakripisyo ang anak para sa kapakanan ng buong mundo? Tanging ang Diyos lamang ang makagagawa nito. Pumayag siyang magpakasakit ang kanyang Anak para sa kaligtasan nating lahat. Nariyang pinahirapan siya ng mga taong tinulungan niya at pagkaraan, ipinako sa Krus. Sapat na itong patunay na mahal na mahal tayo ng ating Panginoon. At maging sa Kanyang paglisan pabalik sa Ama, iniwan Niya sa atin ang Kanyang Banal na Espiritu para manahan sa atin. Patunay ito ng pagiging isa ng Ama, Anak at Espiritu Santo sa kanilang mithiin at pagkilos. Magkakatuwang sila sa gawaing paglikha, pagliligtas at pagpapabanal sa kanilang nilikha. Manalangin tayo. O Banal na Santatlo, Ama, Anak at Espiritu Santo – maraming salamat po sa pagmamahal na iyong ipinagkakaloob sa bawat isa sa amin. Pinahintulutan mong ipako sa Krus ang iyong anak kapalit ng aming kaligtasan. Patawarin mo nawa kami sa mga pagkakataong pinagdudahan naming ang Iyong pagmamahal dahil sa mga paghihirap na dinaranas namin. Patibayin mo po ang aming pananampalataya sa Iyo, na aming iisang Diyos – na may tatlong persona. Amen.