Daughters of Saint Paul

Hunyo 11, 2025 – Miyerkules | Ika – 10 Linggo ng Karaniwang Panahon

Ebanghelyo: Matthew 5:17-19

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Huwag n’yong akalain na naparito ako para pawalang-bisa ang Batas at Mga Propeta. Naparito ako hindi para magpawalang bisa kundi upang magbigay-karapatan. At talagang sinasabi ko sa inyo: habang hindi nagbabago ang Langit at lupa, hindi mababago ni isang kudlit o kuwit ng Batas: lahat ay matutupad. “Kung may lumabag sa pinakamaliit na ipinag-uutos ng Batas at magturo ng ganoon sa mga tao, ituturing din siyang pinakamaliit sa Kaharian ng Langit. Ngunit kung may magsagawa at magtuturo ng mga ito sa mga tao, magiging dakila siya sa Kaharian ng Langit.”

Pagninilay:

Sino ang iyong travel buddies? Sino sa mga kaibigan mo ang laging mong isinasama sa iyong mga lakad? Aminin man natin o hindi, meron tayong mga paboritong tao na gusto nating kasama kapag maglalakbay tayo. ‘Yung hindi pabigat sa lakad at hindi intindihin. ‘Yung walang attitude at mabilis pakisamahan. ‘Yung kayang samahan tayo sa kahit anung sitwasyon, maging masaya man, mahirap o malungkot. Kung sa paglalakbay, mas gusto natin ang may kasama, lalo at higit siguro sa misyon.

Kaya sa araw na ito, ipinagdiriwang at inaalala natin ang isa sa pinakamalapit na travel buddy ni San Pablo sa misyon, si San Bernabe. Walang masyadong impormasyon ang naitala patungkol kay San Bernabe, maliban sa pangalan n’ya na nangangahulugang son of encouragement. Kilala din siya bilang pinsan ni Mark na isa sa mga nagsulat ng Ebanghelyo.

Narinig natin mula sa Gawa ng mga Apostol kung paanong itinalaga si San Bernabe at si San Pablo upang maging apostol sa mga Hentil. Sila ang inatasan na magpahayag ng Salita ng Diyos sa mga hindi naniniwala sa Diyos lalung-lalo na sa komunidad sa Antioch, kung saan unang tinawag na Kristiyano ang mga tagasunod ni Kristo. Sila rin ang nagtanggol sa mga bagong kaanib sa Kristiyanismo mula sa pang-aapi ng ilang Hudyo. Isang misyon na tila ba impossible ang iniatas sa kanila. Subalit sa katatagan at pagmamahal nila sa misyon, naging matagumpay sila sa kanilang pagpapahayag. Marami ang nakakilala at sumampalataya kay Hesus dahil sa kanilang missionary journeys.

Katulad ng sinasabi sa Ebanghelyo, ang pagpapahayag ng Paghahari ng Diyos ang pangunahing misyon ng isang disipulo. At ito nga ang isinabuhay ni San Bernabe. Ayon sa tradisyon, namatay siya bilang isang martir dahil sa pagsaksi niya sa Ebanghelyo. Nawa katulad niya, maabot natin ang malalayong lugar at malalayong puso upang ipahayag si Kristo.