Daughters of Saint Paul

Hunyo 12, 2017 LUNES Ika-10 Linggo ng Taon/ San Juan de Sahagun

2 Cor 1:1-7 – Slm 34  –  Mt 5:1-12

Mt 5:1-12

Nang makita ni Jesus ang makapal na tao, umahon siya sa bundok. Naupo siya roon at lumapit sa kanya ang mga alagad. At nagsimula siyang magturo sa kanila:

            “Mapapalad ang mga may diwa ng dukha

            sapagkat kanila ang Kaharian ng Langit.

            “Mapapalad ang mga nagluluksa

            sapagkat pagiginhawain sila.

            “Mapapalad ang mga hindi marahas

            sapagkat mapapasakanila ang lupain.

            “Mapapalad ang mga nagugutom at nauuhaw sa katarungan

            sapagkat bubusugin sila.

            “Mapapalad ang mga maawain

            sapagkat kaaawaan sila.

            “Mapapalad ang mga may busilak na puso

            sapagkat makikita nila ang Diyos.

            “Mapapalad ang mga nagpupunyagi para sa kapayapaan

            sapagkat tatawagin silang mga anak ng Diyos.

            “Mapapalad ang mga pinag-uusig dahil sa katarungan

            sapagkat kanila ang kaharian ng langit.

“Mapapalad kayo kung iniinsulto kayo at pinag-uusig at sinisiraang-puri dahil sa   akin. Magsaya kayo at magalak sapagkat malaki ang gantimpalang nasa Diyos para sa inyo.”

PAGNINILAY

Mga kapatid, sa pamantayan ng mundo, hindi matatawag na mapalad ang mga taong nabanggit sa Ebanghelyo.  Sa halip walang diskarte sa buhay ang turing sa kanila ng marami sa panahon ngayon.  Praktikal na daw kasing umasam ng kayamanan.  Ang maging una at matagumpay sa lahat ng bagay.  Ang maging sikat, tinitingala at hinahangaan ng maraming tao.  Ang magkamal ng ari-arian at yaman kahit sa maling paraan.  ‘Yan ang kalakaran ng kasalukuyang mundo; at ‘yan pinakaaasam ng marami – ang yumaman, maging matagumpay at magkamal ng ari-arian.  Hindi naman masamang ang mag-asam ng ganito, kung hindi hiwalay sa Diyos ang lahat ng ating mga pagsisikap.  Dahil kung lagi tayong nakaugnay sa Diyos, magagabayan tayo sa kung ano ang tunay na mahalaga sa mundo.  At lagi nating kikilalanin ang Diyos bilang pinagmulan nang lahat ng bagay na tinatamasa natin.  Mga kapatid, kung lagi tayong mulat sa katotohanan na pawang manlalakbay lamang tayo dito sa mundo, hindi natin ihihilig ang ating puso sa mga bagay na pansamantala.  Sa halip, sisikapin nating gamitin ang bawat panahon at pagkakataong gumawa ng mabuti, umunlad sa kabanalan at maging kalugod-lugod sa Diyos.