Daughters of Saint Paul

Hunyo 12, 2018 Martes sa Ika-10 na Linggo ng Taon / San Juan Sahagun

MATEO 5:13-16

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Kayo ang asin ng mundo. Ngunit kung mawalan ng lasa ang asin, paano pa ito mapaaalat na muli? Wala na itong silbi. Itatapon na lamang at tatapakan ng mga tao.

Kayo ang ilaw ng mundo. Hindi maitatago ang lunsod na itinayo sa tuktok ng bundok. Hindi rin sinisindihan ang ilaw para takpan ng kahon, sa halip ay nilalagay ito sa isang lampara at tumatanglaw sa lahat ng nasa bahay. Gayundin naman ang inyong liwanag sa paningin ng mga tao; at makikita nila ang inyong mabubuting gawa at pupurihin nila ang inyong Amang nasa Langit.”

PAGNINILAY:

Mula pa rin sa panulat ni Sr. Rose ang pagninilay sa Ebanghelyo.  "Ang pinakamahusay na lunas para sa mga natatakot, nag-iisa o nalulungkot ay lumabas at pumunta sa isang lugar kung saan maaari silang makipag-isa sa kalangitan, sa kalikasan at sa Diyos. Sapagkat doon lang nila mararamdaman na ang lahat ay nararapat, at nais ng Diyos na maging masaya ang tao, sa gitna ng simpleng kagandahan ng kalikasan. Natitiyak ko na laging magkakaroon ng kaginhawahan sa bawat kalungkutan."  Ang mga katagang ito hindi po isinulat ng isang paham o matalinong tao kundi ng isang labindalawang taong gulang na bata, noong panahon ng digmaan. Dalawang taong nagtago si Anne Frank kasama ng kanyang mga magulang at mga kaibigan sa opisina ng tatay niya sa Amsterdam. Isinulat niya ang karanasan nila habang nakakulong sa taguan nila, at ang katapangan ng bawat isa sa kabila ng takot at pangambang may makaalam na doon sila nagtatago. Gabi-gabi, tinatapos ni Anne ang panalangin niya nang: “Salamat, Diyos ko, sa lahat ng mabuti, maganda at mahal ko. Punum-puno ako ng kaligayahan. Hindi ko iniisip ang lahat ng mga paghihirap, kundi ang kagandahan na patuloy na nananatili.” Tanging ang tatay lamang ni Anne ang nakaligtas at ang diary ni Anne na itinago ng kanyang mga kaibigan sa pag-aakalang makababalik pa siya. Nagsilbing ilaw ang Diary ni Anne Frank pagkalipas ng digmaan hindi lang para sa mga Hudyo kundi para sa buong mundo. Nagpakita si Anne ng lakas ng loob at kagalakan, at naging testigo ang diary niya sa kahalagahan ng buhay, ng pag-asa at pananalig sa Diyos.  Sinasabi ni Jesus: “Kayo ang ilaw ng daigdig. Hindi sinisindihan ang ilaw upang ilagay sa ilalim ng takalan kundi sa ibabaw ng ilawan upang tumanglaw sa lahat ng nasa bahay. Gayundin, dapat magliwanag ang inyong ilaw…”  Hindi naitago ng kublihan o ng digmaan ang ilaw na dinala ni Anne sa murang edad niya. Ikaw, kapanalig, nakataklob ba ang ilaw mo? Ano ang pumipigil sa iyo upang magningning?