Daughters of Saint Paul

HUNYO 12, 2019 MIYERKULES SA IKA-10 LINGGO NG TAON

 

EBANGHELYO: Mt 5:17-19     

 

 

PAGNINILAY:

Isinulat ni Sr. Lou Ranara ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo.  Napakaganda po ng ebanghelyo natin ngayon dahil angkop ito sa ating ipinagdiriwang na Araw ng Kalayaan. Ano nga ba ang kalayaan? Hindi ito kakayahang gawin ang anumang maibigan natin kundi ang kakayahang gumawa ng kabutihan at naayon sa batas kahit minsan mahirap. Yon bang tipong pagkatapos nating gawin ang isang bagay, masaya at mapayapa ang ating kalooban dahil hindi tayo inuusig ng ating budhi. Di maituturing na malaya ang taong alipin ng kasalanan, makamundong pagnanasa o puno ng galit. Ganon din, di masasabing ganap na malaya ang isang bansa kung nabubuhay sa takot ang mga mamamayan nito. Sa ebanghelyong ating narinig, sinabi ni Jesus na hindi siya naparito upang pawalang bisa ang batas at mga propeta bagkus naparito siya upang tuparin ito. Dahil sa pagpapagaling ni Jesus ng mga maysakit kahit sa araw ng Sabath, akala ng mga pariseo at eskriba nilalapastangan niya ang kanilang batas. Pinapansin nila ang paglabag ni Jesus sa batas ukol sa Sabath subalit hindi nila natatanto ang habag at pagpapalaya ni Jesus sa mga taong nagdurusa na siya sanang magtuturo sa kanya bilang katuparan ng nasasad sa Torah at pahayag ng mga Propeta. Isa itong malinaw na patotoo na hindi nila ganap na nauunawaan ang tunay na diwa ng batas. Para bang yong mga kababayan natin na tuwing tatawid sa kalsada, titingin muna sa paligid at kung walang makitang pulis tatawid na kahit saan kasi wala naman huhuli sa kanila. Mga kapanalig, hindi ginawa ang batas upang katakutan natin. Ginawa ito upang maging mayapa at maayos ang pamumuhay natin dito sa lupa. Sa pagdiriwang natin ng ika- 121 taon ng kalayaaan ng ating bansa sana matutuhan nating pahalagahan ang mga batas nito, hindi dahil takot tayong maparusahan kundi naniniwala tayo sa kahalagahan nito sa ating buhay at pamumuhay. Muli, Maligayang araw ng kalayaaan, Pilipinas!