Daughters of Saint Paul

Hunyo 12, 2025 – Huwebes | Ika – 10 Linggo ng Karaniwang Panahon

Ebanghelyo: Jn 17:1-2, 9, 14-26

Tumingala si Jesus sa Langit at nagsalita: “Ama, sumapit na ang oras. Luwalhatiin mo ang iyong Anak, upang makaluwalhati sa iyo ang Anak; ipinagkaloob mo nga sa kanya ang kapangyarihan sa bawat tao at gusto mong pagkalooban niya ng walang hanggang buhay ang lahat ng bigay mo sa kanya  “Ipinagdarasal ko sila. Hindi ang mundo ang ipinagdarasal ko kundi ang mga ipinagkaloob mo sa akin dahil iyo sila. Iyo ang lahat sa akin, at akin din naman ang iyo,

“Ipinagkaloob ko sa kanila ang iyong salita at napoot sa kanila ang mundo sapagkat hindi sila mula sa mundo gaya nang hindi ako mula sa mundo. Hindi ko hinihiling na alisin mo sila sa mundo, kundi pangalagaan mo sila sa masama. “Hindi sa mundo sila galing, gaya nang hindi ako sa mundo galing. Pabanalin mo sila sa katotohanan. Ang wika mo ay katotohanan. Kagaya nang ako’y sinugo mo sa mundo, gayundin naman sinugo ko sila sa mundo. At alang-alang sa kanila’y pinababanal ko ang aking sarili, upang pati sila’y pabanalin sa katotohanan.”

 “Hindi sila lamang ang aking ipinagdarasal kundi pati ang mga naniniwala sa akin sa pamamagitan ng salita nila. Maging iisa sana silang lahat kung paanong nasa akin ka, Ama, at nasa iyo ako. Mapasaatin din nawa sila upang maniwala ang mundo na ikaw nga ang nagsugo sa akin. “Ipinagkaloob ko naman sa kanila ang luwalhating ipinagkaloob mo sa akin upang maging isa sila gaya nang tayo ay iisa: ako sa kanila at ikaw sa akin. Kaya malulubos sila sa kaisahan, at kikilanlin ng mundo na ikaw ang nagsugo sa akin at nagmahal ako sa kanila gaya ng pagmamahal mo sa akin. “Ama, sila ang ipinagkaloob mo sa akin kaya niloloob ko na kung nasaan ako’y makasama ko rin sila at makita nila ang kaluwalhatian kong kaloob mo sa akin sapagkat minahal mo ako bago pa man nagkaroon ng mundo. “Makatarungang Ama, hindi kumilala sa iyo ang mundo; kumilala naman ako sa iyo at kinilala rin ng mga ito na ikaw ang nagsugo sa akin. Ipinahayag ko sa kanila ang Ngalan mo at ihahayag pa upang mapasakanila ang pagmamahal mo sa akin at ako rin ay mapasakanila.”

Pagninilay:

Anong klaseng pagkakaisa ba ang meron tayo bilang mga Kristiyano? Sa Ebanghelyo ngayon, nanalangin si Jesus para sa atin. Hindi lang para sa mga alagad niya noon, kundi para rin sa atin na mga maniniwala ngayon. At ang hiling Niya? Na tayo’y maging isa. Hindi pagkakaisang gawa-gawa lang—kundi pagkakaisang tulad ng sa Kanya at ng Ama. Pagkakaisang nakaugat sa pag-ibig, katotohanan, at kabanalan.

Kahit iba-iba tayo ng ugali at opinyon, iisa ang ating misyon: dalhin si Kristo sa mundo. Sa mundong hati-hati, tayo ang tinawag ng Diyos sa pagkakasundo. Sa mundong puno ng fake news at galit, tayo ang daluyan ng katotohanan at kapayapaan. Pero hindi ito mangyayari kung nakahiwalay tayo kay Kristo. Manatili tayo sa Kanya—sa salita, sa panalangin, at sa gawa. Kapag tayo’y nagkakaisa kay Kristo, ang mundo’y magniningning sa liwanag ng Diyos nang buong-buo.