2 Cor 1:18-22 – Slm 119 – Mt 5:13-16
Mt 5:13-16
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Kayo ang asin ng mundo. Ngunit kung mawalan ng lasa ang asin, paano pa ito mapaaalat na muli? Wala na itong silbi. Itatapon na lamang at tatapakan ng mga tao.
“Kayo ang ilaw ng mundo. Hindi maitatago ang lunsod na itinayo sa tuktok ng bundok. Hindi rin sinisindihan ang ilaw para takpan ng kahon, sa halip ay nilalagay ito sa isang lampara at tumatanglaw sa lahat ng nasa bahay. Gayundin naman ang inyong liwanag sa paningin ng mga tao; at makikita nila ang inyong mabubuting gawa at pupurihin nila ang inyong Amang nasa Langit.”
PAGNINILAY
Mga kapatid, madalas nating naririnig ang mga papuring katulad nito: “Napakagalang ng batang iyan, manang-mana sa ina,” o kaya’y “Nakuha talaga ng batang iyan ang kasipagan ng ama.” Nakatataba sa puso ng mga magulang ang ganitong papuri sa kanilang mga anak. Kumbaga’y, nagkaroon na ng bunga ang kanilang mga pagsisikap na hubugin ang kanilang mga anak sa kagandahang asal at sa pamumuhay bilang mga anak ng Diyos. Nagampanan nila ang kanilang tungkulin bilang mga asin at ilaw sa buhay ng kanilang mga anak. At ito rin ang hamon sa atin ng Panginoon bilang mga tagasunod Niya. Kailangan makita ng ating kapwa ang kagandahang-loob ng ating Ama sa pamamagitan ng ating pagkatao at pamumuhay. Bilang mga anak ng Diyos, marapat lamang na maging mga ilaw tayo na may dalang pag-asa sa buhay ng ating kapwa. Sa kabila ng pinagdadaanang pagsubok sa buhay, patuloy na umaasa at kumakapit sa pananampalataya. Dahil alam nating kasa-kasama natin ang Diyos sa pagbata ng mga krus ng buhay. Sa kabila ng kagipitan, hindi tayo kumakapit sa patalim at nagsasamantala sa kapwa; at sa kabila ng mga kabiguang naranasan, hindi tayo sumusuko at nananatiling matatag – dahil nananalig tayong merong Diyos na nagpapalakas sa atin. Kung ganito ang ating magiging disposisyon sa pagharap sa mga pagsubok sa buhay, nakatutugon tayo sa hamon ng Panginoon na maging asin at ilaw sa loob at labas ng ating tahanan.