Daughters of Saint Paul

HUNYO 13, 2021 – IKA-11 LINGGO SA KARANIWANG PANAHON

EBANGHELYO: Mk 4:26-34

Sinabi ni Jesus sa mga tao: “Maihahambing ang kaharian ng Diyos sa paghahasik ng isang tao ng buto sa lupa.  Tulog man siya o gising, sa gabi o araw, sumisibol ang binhi at lumalago nang hindi niya namamalayan.  Nagbubunga ang lupa sa ganang sarili nito: una’y ang usbong, saka ang uhay at ang butil na humihitik sa uhay.  At kapag nagbunga na ito, agad siyang magpapadala ng karit sapagkat sumapit na ang anihan. Sa ano natin maikukumpara ang kaharian ng Diyos? Sa anong talinhaga natin ito maipakikilala? Natutulad ito sa paghahasik ng buto ng mustasa na pinakamaliit sa mga binhing inihahasik sa lupa.  Ngunit pagkahasik nito, tumataas ito at lumalaki ng higit pa sa lahat ng gulay at nagsasanga nang malaki hanggang sumilong sa kanyang lilim ang mga ibon sa Langit.” Itinuro niya sa kanila ang lahat ng ito sa pamamagitan ng mga talinhagang gaya nito ayon sa kakayahan ng kanilang isipan.  Hindi siya nagturo sa kanila nang hindi gumagamit ng mga talinhaga.  Ngunit nilinaw niya ang lahat sa kanyang mga alagad nang sila-sila na lamang.

PAGNINILAY

Mula sa panulat ni Fr. Albert Garong ng Society of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.  Minsan may isang taong piniringan at pinahawak ng dalawang maliit na bagay. Kinilatis niya ito at maiging inusisa sa kanyang mga kamay. At sa wakas kanyang sinabi: Ang hawak ko ay dalawang maliit na bato. Mali ka! Sabi nung kasama nya. Yung isa lang diyan ang bato. Yung isa ay buto. Bato at buto: pareho sa maraming bagay, pero napakalayo ng kanilang realidad. Ang isa ay walang buhay, pero ang isa ay pinagmumulan ng buhay. Mga kapatid, ang isang taong walang pananampalataya ay parang may piring sa mata na ayaw niyang tanggalin. Sya ay nabubuhay sa kadiliman at bulag sa maraming bagay. Pero bilang mga Kristiyano tayo ay biniyayaan ni Hesus na makita ang buong katotohanan: na anuman ang nangyayari sa mundo, anumang kaguluhan ang meron sa ating buhay, hindi nito mababago na mayroon tayong Ama sa Langit na nagmamahal at kumikilos para sa ating kaligtasan. Dahil dito, malinaw kung ano ang ating pangunahing tungkulin: ang magtiwala at magparaya: ibigay natin sa Diyos ang ating buhay, at tiyak na hindi niya tayo bibiguin.