Daughters of Saint Paul

HUNYO 14, 2019 BIYERNES SA IKA-10 LINGGO NG TAON

 

EBANGHELYO: Mt 5:27-32

 

PAGNINILAY:

Isinulat ng aming madre na si Sr. Nina Lorilla ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo.  Ang puso ng tao’y sadyang nakamamangha! Isang araw, titibok ito sa pagmamahal, at sa ibang araw naman, makakaramdam ito ng pait, sakit, at poot. Halu-halong emosyon at pagnanais din ang nilalaman nito; naglalaman ng parehas na kabutihan at kasamaan. Kaya naman sa ating ebanghelyo ngayon, hindi na nagpaligoy-ligoy pa si Hesus sa pagpuna sa hindi magandang pagtrato sa kapwa, lalo na sa mga kababaihan. Ika ni Hesus, ano mang uri ng pagkakasala, nagsisimula sa puso mismo. Kaya naman, inaanyayahan Niya tayo na maging mapagbantay at mapanuri sa nilalaman ng ating mga puso. Sa oras ng tukso, mapapalayo tayo sa kapahamakan o pagkasira ng ating ugnayan sa isat-isa, kung paiiralin lamang natin ang kadalisayan ng ating pakikipag-kapwa tao.  Mga kapatid, inaanyayahan tayo ni Hesus na simula sa ating mga puso, piliin at panindigan natin ang pagmamahal. Kapag tayo’y nagmamahal, nakikita natin ang ating kapwa na may dignidad, kaya dapat tratuhin ng may respeto, at hangarin ang kanyang kabutihan. Kapag pinairal natin ang pagsunod sa mga utos ng ating Panginoon, nagkakaroon tayo ng kakayahan na talikuran o putulin ang ano mang gawain o ugnayan na hindi nakakapagdulot ng kabutihan sa ating sarili at kapwa.  

 

PANALANGIN:

O Hesus, manahan ka nawa sa amin, nang sa gayon, maipakita namin sa aming kapwa, lalo na sa mga mahihina at walang boses sa lipunan, ang respeto, pagmamahal, at pagsasaalang-alang sa kanilang kapakanan at kabutihan. Nawa'y maging huwaran kaming iyong mga lingkod sa tunay na pagmamahal.  Amen.