Daughters of Saint Paul

Hunyo 14, 2025 – Sabado | Ika – 10 Linggo ng Karaniwang Panahon

Ebanghelyo:  Mateo 5:33-37

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Narinig na ninyo na sinabi sa inyong mga ninuno: ‘Huwag kang sisira sa iyong sinumpaan. Tuparin mo ang sinumpaang pangako sa panginoon.’ Ngunit sinasabi ko naman sa inyo: huwag kayong manumpa sa ngalan ng Langit pagkat ‘naroon ang trono ng diyos,’ ni sa ngalan ng lupa pagkat ‘ito ang tuntungan ng kanyang mga paa,’ ni sa ngalan ng Jerusalem pagkat ‘ito ang lunsod ng Dakilang Hari.’ Huwag kang manumpa ni sa ngalan ng iyong ulo pagkat ni hindi mo kayang paputiin o paitimin ni isang hibla ng iyong buhok. Sabihin mo “Oo kung Oo” at “hindi kong hindi.”  Ano pa mang sasabihin mo’y sa demonyo na galing.

Pagninilay:

Kapanalig, paano mo ba huhulihin ang taong hindi handang magsabi ng totoo? Heto ang isang paraan. Tanungin mo siya ng katanungan na maaaring sagutin ng oo o hindi.  Ang taong nagsasabi ng totoo ay madaling makasagot ng simpleng oo o hindi, subalit ang taong ayaw magsabi ng totoo o ayaw manindigan sa isang usapin ay hindi sasagot ng oo o hindi. Magtatahi-tahi siya ng mga salaysay upang bigyang katwiran ang kanyang posisyon sa usapin na hindi niya mabigkas at mapanindigan. Kaya sa Mabuting Balita natin ngayon, sinabi ni Jesus, “Samakatuwid ganito ang magiging pananalita ninyo: Oo, kung oo; Hindi, kung hindi… ang humigit pa rito ay nanggagaling sa masama”(v.37).

Naalala ko tuloy ang biruan namin noong mga bata pa kami. Upang higit na maniwala ang kalaro, ganito ang isasagot, “Oo, peks man. Cross my heart. Mamatay man ang aso mo”. Para sa mga bata maaring katuwaan lamang ito pero para sa mga nasa hustong gulang na isa itong hamon na maging payak sa ating pananalita. Kailangan din maging mapanuri sa ating kausap dahil kahit kulayan pa natin ng puti ang kasinungalingan ay kasinungalingan pa rin ito, kahit pa ang layunin nito ay para huwag makasakit ng kapwa. Para sa akin, mas mabuti na ang masaktan dahil sa katotohanan kaysa patuloy na mabuhay sa kasinungalingan. Kapanalig, si Jesus ang Katotohanan kaya ang nagsasabi ng totoo ay nabubuhay at nananatili sa Kanya.