Daughters of Saint Paul

Hunyo 15, 2017 HUWEBES Ika-10 Linggo ng Taon / Santa Benilda

 

2 Cor 3:15-4:1,3-6 – Slm 85 – Mt 5:20- 26

Mt 5:20- 26

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad:  “Sinasabi ko sa inyo na kung hindi mas ganap ang inyong kabanalan kaysa sa mga guro ng Batas at mga Pariseo, hinding-hindi kayo makapapasok sa Kaharian ng Langit.

            “Narinig na ninyo na sinabi sa inyong mga ninuno:  'Huwag kang papatay; dapat managot ang pumatay.' Sinasabi ko naman sa inyo:  Mananagot ang sinumang nagagalit sa kanyang kapatid. Mananagot sa Sanggunian ang sinumang uminsulto sa kanyang kapatid. Nararapat lamang na itapon sa apoy ng impiyerno ang sinumang manghiya sa kanyang kapatid. Kaya sa paglalagay mo sa altar ng iyong hain at naalaala mong may reklamo sa iyo ang kapatid mo, iwan mo muna ang iyong hain sa harap ng altar at puntahan mo ang iyong kapatid para makipagkasundo sa kanya. At saka ka bumalik at ialay ang iyong hain sa Diyos.

          “Makipagkasundo na sa iyong kaaway habang papunta pa kayo sa hukuman, at baka ipaubaya ka niya sa hukom na magpapaubaya naman sa iyo sa pulisya na magkukulong sa iyo. Talagang sinasabi ko sa iyo: hindi ka makalalabas hangga't hindi mo nababayaran ang kahuli-hulihang sentimo.”

PAGNINILAY

Sa Ebanghelyong ating narinig, tila nakakatakot ang interpretasyon ng Panginoon sa utos na “Huwag papatay.”  Hindi lang pisikal na pagpatay ang Kanyang tinutukoy, kundi espiritwal na pagpatay sa taong ating kagalit.  Ilan ba sa atin ang kapag galit na galit, kung anu-anong masasakit na salita ang lumalabas sa bibig na nakakasira sa espiritu ng taong ating kagalit?  Nandiyan ang pagmumura, pagtawag sa tao na tanga at walang silbi at kung anu-ano pa.  Madalas ginagawa ito ng mga amo sa kanilang kasambahay.  Kung isa man tayo sa gumagawa nito sa ating kasambahay o sinumang ating kagalit, patungkol sa atin ang babala ng Panginoon sa Ebanghelyo.  Mananagot sa Sanggunian ang sinumang nagagalit, umiinsulto at manghiya sa kanyang kapatid, nararapat siyang itapon sa apoy ng impiyerno.  Walang intensiyong manakot ang Panginoon! Pinapaalalahanan lamang Niya tayo na baguhin ang ating pag-uugali – ang hindi makatarungan, makatao at maka-Kristiyanong pagturing sa kapwa – lalo na sa mga kapatid nating maliliit at walang sinabi sa lipunan.  Mga kapatid, kung sisikapin nating hanapin ang mukha ng Panginoon sa katauhan ng ating kasambahay, empleyado at sa lahat ng taong nakakasalamuha natin sa araw-araw – gaano man sila kalimitado o makasalan – siguro mas magiging mahinahon tayo sa ating pakikitungo sa kanila, may respeto at sisikapin nating hindi makasakit ng kanilang damdamin.  Hindi naman masamang magalit.  Pero ilagay natin sa lugar ang ating galit at sikaping huwag makasisira ng espiritu ng ating kapwa.  Hilingin natin sa Panginoon ang biyayang makatugon sa panawagan ng Ebanghelyo.