MATEO 5:27-32
Narinig na ninyo na sinabing: Huwag kang makiapid. Ngunit sinasabi ko naman sa inyo: ang sinumang tumingin nang may pagnanasa sa isang babaw ay nakiapid na rin sa kanyang puso. Kaya kung ang iyong kanang mata ang nagbubuyo sa iyo sa kasalanan, alisin mo ito at itapon! Makabubuti pa sa iyo na mawalan ng isang bahagi ng iyong katawan kaysa matapon ang buo mong katawan sa impiyerno. Kung ang iyong kanang kamay naman ang nagbubuyo sa iyo sa kasalan, putulin mo ito at itapon! Mas makabubuti sa iyo ang mawalan ng isang bahagi ng iyong katawan kaysa matapon ang buo mong katawan sa impiyerno. Sinasabi rin naming: Kung may makikipagdiborsiyo sa kanyang may-bahay, nigyan niya ito ng katibayan. Ngunit sinasabi ko sa iyo: kung may magpaalis sa kanyang maybahay sa ibang dahilan maliban sa kawalang-katapatan, pinapakiapid niya ito. At nakikiapid din ang nagpapakasal sa babaeng diborsiyada.
PAGNINILAY:
Mga kapanalig, para sa Panginoong Jesus, ang pag-aasawa’y isang tungkulin hindi lang sa asawa kundi sa Diyos. Kaya tahasan Niyang sinabing huwag makikiapid dahil ito’y labag sa kalooban ng Panginoon. Muli nating balikan ang layunin ng Sakramento ng Kasal ng ating Simbahan, di ba ito’y upang pag-isahin ang isang lalaki at isang babae at iugat ang samahan sa pag-ibig ng Panginoon? Kaya ito’y sagrado at walang sinumang makapaghihiwalay sa kanila sa oras na tinanggap nila ang Sakramento. Kaya’t kung sino man ang nagnanais na magpakasal, dapat na paghandaan itong mabuti. Kilalaning mabuti ang pakakasalan. At bigyan din ng panahon ang sarili na maunawaan ang tungkulin ng isang may-asawa at magulang ng tahanan. Ito ang kinakailangan sa paghahanda sa pagtanggap ng Sakramento ng Kasal. Mahalaga ito, upang maiwasan ang kawalang-katapatan at pakikiapid, na nauuwi sa broken marriage at broken family at pagrerebelde ng mga anak. Mahalaga rin ito, upang maibalik natin ang nawawalang pagpapahalaga natin sa ating pamilya. Isang pagpahalaga na pinaka-iingat-ingatan ng ating mga ninuno, pero nanganganib nang mabuwag ngayon, dahil sa isinusulong na diborsiyo sa ating bansa. Mga kapanalig, sa oras na ito, ipanalangin natin ang mga magkahiwalay na mag-asawa at ang kanilang anak na patuloy na nasasaktan. Hilingin natin ang Espiritu ng Pag-ibig na hilumin ang kanilang pusong sugatan. Matuto nawa silang magpatawaran sa isa’t isa at maibalik ang respetong nawala. Idalangin din natin na gabayan ang ating puso upang matuto tayong umibig ng tapat, wagas, at nakaugat sa Panginoong Jesus lalo na ang mga mag-asawang nakikinig ngayon.