Daughters of Saint Paul

Hunyo 15, 2024 – Sabado sa Ikasampung Linggo sa Karaniwang Panahon | San Benilda

BAGONG UMAGA

“The truth will set us free.” Mabiyayang araw ng Sabado mga kapatid/mga kapanalig! Ito po si Sr Rose Agtarap ng Daughters of St. Paul para sa Mabuting Balita. Pagnilayan po natin ang Ebanghelyo ayon kay San Mateo kabanata lima, talata tatlumpu’t tatlo hanggang tatlumpu’t pito. 

Ebanghelyo: MATEO 5:33-37

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Narinig na ninyo na sinabi sa inyong mga ninuno: ‘Huwag kang sisira sa iyong sinumpaan. Tuparin mo ang sinumpaang pangako sa panginoon.’ Ngunit sinasabi ko naman sa inyo: huwag kayong manumpa sa ngalan ng Langit pagkat ‘naroon ang trono ng diyos,’ ni sa ngalan ng lupa pagkat ‘ito ang tuntungan ng kanyang mga paa,’ ni sa ngalan ng Jerusalem pagkat ‘ito ang lunsod ng Dakilang Hari.’ Huwag kang manumpa ni sa ngalan ng iyong ulo pagkat ni hindi mo kayang paputiin o paitimin ni isang hibla ng iyong buhok. Sabihin mo “Oo kung Oo” at “hindi kong hindi.” Ano pa mang sasabihin mo’y sa demonyo na galing.

Pagninilay:

Ibinahagi po ni Sr. Yolanda Dionisio ng Daughters of St. Paul ang pagninilay.

Kinokondena ng Panginoong Jesus ang panunumpa ng di totoo, para sa sariling kapakanan o kaya ay upang makaiwas sa kahihiyan at kaparusahan. Madali tayong maka-relate sa sitwasyong ito lalo na at laganap ang fake news, corruption at paninira ng kapwa. Ang maling panunumpang ito ay nangyayari sa tahanan, sa trabaho, sa magkakabarkada, sa magkakapit-bahay, sa korte, sa social media at sa iba pang lugar at sitwasyon. Nakakalungkot dahil pilit na inaalis ang katotohanan. Nauuwi ito sa pagkakagalit, pagkasira ng pamilya, paghihirap, pagkasira ng reputasyon, pagkalito. Ito ay hindi galing sa Espiritu ng Diyos kundi sa masamang espiritu. Sinabi ng Panginoon na oo kung oo at hindi kung hindi. Wala tayong dapat ikatakot kung magsabi tayo ng totoo. Sabi nga, the truth will set us free. Oo nga at nangyayari na sa pagsasabi ng totoo ay nagiging kalaban natin ang mga maaapektuhan nito. Pwede tayong awayin, pahirapan o gipitin sa trabaho, idamay ang mga mahal natin sa buhay. Kaya itong gawin ng mga mapapahamak sa pagsasabi natin ng totoo. Pero ating tandaan, nasa panig natin ang Diyos. Lalabas din ang katotohanan sa pagdating ng panahon. Mabuhay tayo sa presensiya at liwanag ng Espiritu Santo upang tayo ay di matakot na isabuhay ang katotohanan at huwag manumpa ng di totoo. Si Jesus ang daan, ang katotohanan at ang buhay. Ang sumusunod sa kanya ay di maliligaw at makakarating sa buhay na walang hanggan.