Ebanghelyo: Juan 16:12-15
Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Marami pa sana akong sasabihin sa inyo subalit hindi ninyo mauunawaan ngayon. Darating naman siya, ang Espiritu ng katotohanan, at maghahatid sa inyo sa buong katotohanan. Wala na siyang sasabihin mula sa ganang sarili, kundi ang lahat niyang maririnig ang kanyang bibigkasin at mga bagay na darating ang ibabalita niya sa inyo, ibabalita niya sa inyo ang tatanggapin niya mula sa akin at sa gayon niya ako luluwalhatiin, ang tanang sa ama ay akin dahilan dito kaya ko sinabing mula sa akin siya tatanggap at magbabalita sa inyo.”
Pagninilay:
Sa tuwing nagdarasal tayo, nag-aantanda tayo ng krus o sign of the cross; at sinasabi natin: “Sa ngalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo.” Nananampalataya tayo sa Diyos Ama, Diyos Anak, at Diyos Espiritu Santo—iisang Diyos na may tatlong persona. Inimbento ba natin to? Hindi. Isa itong katotohanan na ipinamalas ng Diyos sa tao simula pa noong una, hanggang sa dumating si Hesus, at hanggang sa ngayon: siya ay Diyos Ama, ang manlilikha. Diyos Anak, ang manliligtas. Diyos Espiritu Santo, ang pumapatnubay.
Kung tutuusin, ang Diyos ay kumpleto na sa kanyang sarili. Hindi naman niya tayo kailangan eh. Pwede naman na dun na lang siya sa langit, at walang pakialam sa atin at pwede namang hindi na lang niya tayo nilikha, edi sana wala siyang problema ngayon dahil mga pasaway tayong mga tao. Pero hindi madamot ang Diyos. Siya ay pag-ibig.
Kaya kahit na naging pasaway tayo sa kanya at naging makasalanan, hinangad niya pa rin na bumaba at makasama tayo sa persona ng kanyang Anak na si Hesus. At sa sobrang pagmamahal niya sa atin, nagawa pa niyang ialay ang kanyang sarili sa krus. At nang muling mabuhay si Hesus, pwede naman na iwan na lang niya tayo at pabayaan. Pero ano ang ginawa niya? Matapos siyang umakyat sa langit, iniwan niya sa atin ang persona ng Espiritu Santo, na siyang nagiging patnubay natin hanggang sa ngayon at magpakailanman.
Sa tatlong persona nais ng Diyos na matanto natin kung gaano niya tayo kamahal, sa kabila ng ating mga kasalanan. Nakikilala natin ang Diyos sa kanyang pagmamahal sa atin, bilang ama natin, bilang kapatid natin, at bilang patnubay natin. At sa pagmamahal binubuo niya tayo bilang isang pamilya—isang simbahan.
Manalangin tayo. Panginoon, salamat po sa pakikibahagi sa amin sa pag-ibig. Amen.