Daughters of Saint Paul

Hunyo 16, 2024 – Ika-11 Linggo sa Karaniwang Panahon

BAGONG UMAGA

Feeling mo ba maliit ka? Simple lang ang trabaho o walang kwenta? Mabiyayang araw ng Linggo mga kapanalig/mga kapatid! At happy Father’s Day sa lahat ng mga ama ng tahanan! Ito po si Sr Rose Agtarap ng Daughters of St. Paul para sa Mabuting Balita. Pagnilayan po natin ang Ebanghelyo ayon kay San Marcos kabanata apat, talata dalawampu’t anim hanggang tatlumpu’t apat.

Ebanghelyo: MARCOS 4:26-34

Sinabi ni Jesus sa mga tao: “Maihahambing ang kaharian ng Diyos sa paghahasik ng isang tao ng buto sa lupa. Tulog man siya o gising, sa gabi o araw, sumisibol ang binhi at lumalago nang hindi niya namamalayan. Nagbubunga ang lupa sa ganang sarili nito: una’y ang usbong, saka ang uhay at ang butil na humihitik sa uhay. At kapag nagbunga na ito, agad siyang magpapadala ng karit sapagkat sumapit na ang anihan. Sa ano natin maikukumpara ang kaharian ng Diyos? Sa anong talinhaga natin ito maipakikilala? Natutulad ito sa paghahasik ng buto ng mustasa na pinakamaliit sa mga binhing inihahasik sa lupa. Ngunit pagkahasik nito, tumataas ito at lumalaki ng higit pa sa lahat ng gulay at nagsasanga nang malaki hanggang sumilong sa kanyang lilim ang mga ibon sa Langit.” Itinuro niya sa kanila ang lahat ng ito sa pamamagitan ng mga talinhagang gaya nito ayon sa kakayahan ng kanilang isipan. Hindi siya nagturo sa kanila nang hindi gumagamit ng mga talinhaga. Ngunit nilinaw niya ang lahat sa kanyang mga alagad nang sila-sila na lamang.

Pagninilay:

Ibinahagi po ni Fr. Brian Tayag ng Society of St. Paul ang pagninilay ngayon. Tungkol sa paghahasik ng Salita ng Diyos ang tema ng ating Ebanghelyo. Ipinapakita sa unang talinhaga kung paano natin dapat itanim ang Salita sa ating puso at paano ito nagbubunga ng kabutihan sa tamang panahon. Hindi natin dapat ikalungkot o ikabahala kung hindi natin agad nakikita ang resulta ng ating paghahasik, sapagkat ang Diyos ang magpapa-unlad nito. Responsibilidad natin ang maging mabuting lupa, handang tumanggap at magbigay ng patotoo sa Salita ng Diyos. Sa ikalawang talinhaga, inilalarawan kung paano lumalago ang Kaharian ng Diyos mula sa maliit na simula hanggang magbunga ito nang malaki at maging kanlungan para sa lahat ng mga nilikha ng Diyos. Kailangan tumbasan ito sa sarili nating pamumuhay. Kahit maliit ang ating mga gawa o pananampalataya, magiging daan ito para sa mas malawak na paglago at paglaganap ng kabutihan. Sa ating araw-araw na buhay, tinatawag tayong maging tulad ng mabuting lupa at munting butil na handang lumago at magbigay ng kabutihan sa ating kapwa. Huwag nating isantabi ang maliit na mga gawain at mga pagkakataon, sapagkat ang mga ito ang magpapatunay kung tayo’y mabuting alagad ng Panginoon. Patuloy nating paalalahanan ang ating sarili na magtiwala sa proseso ng pag-unlad na inilalatag ng Diyos. Sapagkat sa tamang panahon, magbubunga ito nang masaganang biyaya at tagumpay sa ating buhay espiritwal at personal.