Ebanghelyo: Mt 5:38–42
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Narinig na ninyo na sinabi: Mata sa mata at ngipin sa ngipin. Ngunit sinasabi ko sa inyo: Huwag ninyong labanan ng masama ang masama. Kung sampalin ka sa kanang pisngi, ibaling ang mukha at ibaling ang kabilang pisngi. Kung may magdemanda sa iyo para kunin ang iyong sando, ibigay mo pati ang iyong kamiseta. Kung may pumilit sa iyong sumama sa kanya nang isang kilometro, dalawang kilometro ang lakarin mong kasama niya. Bigyan ang nanghihingi at huwag talikuran ang may hinihiram sa iyo.
Pagninilay:
Kabilang sa mga matinding-hamon ng Biblia ang mga salita ni Jesus sa Mabuting Balita ngayon, “Narinig ninyong sinabi: ‘Mata sa mata, at ngipin sa ngipin.’ Ngunit sinasabi ko sa inyo, huwag ninyong labanan ang masamang tao…” Isa itong paanyaya na lumakad sa mas mataas na daan—sa daan ng awa, kababaang-loob, at kabutihan.
Hindi lamang ito para sa mga relihiyoso o sa mga perpekto sa moralidad. Para ito sa lahat: magulang, estudyante, manggagawa, pinuno – lahat ng nakaranas na masaktan. Hindi binabalewala ni Jesus ang sakit, ngunit hinahamon Niya tayong huwag hayaang tumigas ang ating mga puso. Sa halip na gumanti, tumugon nang may kahinahunan, kagandahang-loob, at grasya.
Lumaking larawan lamang ng kanyang tatay ang nakikita ni Renz. Dalawang taong gulang pa lamang siya nung maghiwalay ang kanyang mga magulang. Nagkaroon ng pangalawang pamilya ang kanyang tatay. Kaya, mag-isang itinaguyod si Renz ng kanyang nanay hanggang sa naging abogado siya. Tahimik ang buhay nilang mag-ina, nang isang araw bumungad sa pintuan nila ang kanyang tatay na may sakit. Mahinahon siyang pinatuloy, at humingi siya ng tawad kay Renz at sa kanyang nanay. Walang panunumbat, tinanggap ito ng kanyang nanay. Hindi makapaniwala si Renz sa kanyang nasaksihan. Nalito siya. “Pwede pala yun?” tanong niya.
Mahirap sundin ang mga salita ni Jesus, subalit lalala lamang ng sugat sa paghihiganti. Tunay nga ang kapayapaan sa pagpapatawad na nagmumula lamang sa Panginoon. Kapanalig, putulin natin ang siklo ng galit sa pagpili ng pag-ibig kaysa paghihiganti. Kalayaan, hindi kahinaan, ang pagharap nang may kahinahunan, kahit sa gitna ng pang-aapi. Kalayaan ito mula sa hinanakit at sa poot. Kalayaang mamuhay sa kapayapaan. Maaaring magsimula ito sa maliliit na bagay: mahinahong salita sa taong magaspang; pagpili na huwag makipagtalo; pagbibigay kahit may sakripisyo. Hindi man madali, makapangyarihan ang munting mga hakbang na ito. Pinupuno tayo ng kabutihan ng Diyos araw-araw, kahit di tayo karapat-dapat. Sa mundong puno ng galit at pagkakahati-hati, nawa’y sa kapangyarihan ni Jesus, maging tagapagdala tayo ng Kanyang awa at kapayapaan sa sanlibutan. Amen.