Daughters of Saint Paul

Hunyo 17, 2018 Ika-11 linggo sa Karaniwang Panahon (B)

MARCOS 4:26-34

            Sinabi ni Jesus sa mga tao: “Maihahambing ang Kaharian ng Diyos s paghahasik ng isang tao ng buto sa lupa. Tulog man siya o gising, sa gabi o araw, sumisibol ang binhi at lumalago nang hindi niya namamalayan. Nagbubunga ang lupa sa ganang sarili nito: una'y ang usbong, saka ang uhay at ang butil na humihitik sa uhay. At kapag nagbunga na ito, agad siyang magpapadala ng karit sapagkat sumapit na ang anihan. “

            At sinabi niya: “Sa ano natin maikukumpara ang kaharian ng Diyos? Sa anong talinhaga natin ito maipakikilala? Natutulad ito sa paghahasik ng buto ng mustasa na pinakamaliit sa mga binhing inihahasik sa lupa. Ngunit pagkahasik nito, tumataas ito at lumalaki na higit pa sa lahat ng gulay at nagsasanga nang malaki hanggang sumilong sa kanyang lilim ang mga ibon ng Langit.”

            Itinuro niya sa kanila ang lahat ng ito sa pamamagitan ng talinhagang gaya nito ayon sa kakayahan ng kanilang isipan. Hindi siya nagtuturo sa kanila nang hindi gumagamit ng mga talinhaga. Ngunit nilinaw niya  ang lahat sa kanyang mga alagad nang sila-sila na lamang.

PAGNINILAY:

Ang pag-ibig na ipinunla ng Diyos sa ating puso ang susi sa pagpalaganap ng Kanyang Kaharian.  Kaya may tungkulin tayong payabungin ang pag-ibig na ito sa pamamagitan ng ating malapit na pakikipag-ugnayan sa Kanya sa panalangin at pagbabasa at pagninilay sa Kanyang Banal na Salita.  Hindi tayo makagagawa ng mabuti sa ganang atin lang; lalong hindi natin kayang magmahal nang tunay kung hindi tayo kakapit sa Diyos na Siyang bukal ng pagmamahal.  Kapag sinisikap nating maging daluyan ng pagmamahal ng Diyos, nagiging kasangkapan tayo sa pagpalaganap ng Kanyang Kaharian.  Mga kapanalig, ang ating mabubuting gawa, gaano man ito kaliit na binhi, maaaring yumabong at magdulot ng mas marami pang mabubuting gawa sa kapwa.  Sino bang nakakaalam na ‘yung taong tinulungan natin, sa labis na galak at pasasalamat na-inspire ding tumulong sa iba, at ang mabuting gawang ito’y may multiplier effect nang hindi natin nalalaman.  Panginoon, payabungin Mo po ang pag-ibig na Iyong itinanim sa aking puso, nang maging instrumento ako sa pagpapalaganap ng Iyong kaharian.  Amen.