Daughters of Saint Paul

Hunyo 17, 2024 – Lunes sa Ika-11 Linggo sa Karaniwang Panahon | Sta.Teresa ng Portugal

BAGONG UMAGA

Tama ba ang “‘Mata sa mata at ngipin sa ngipin?” Maligayang araw ng Lunes mga kapatid/mga kapanalig! Maligayang kapistahan po ni Santa Teresa ng Portugal! Ito po si Sr Rose Agtarap ng Daughters of St. Paul para sa Mabuting Balita. Pagnilayan po natin ang Ebanghelyo ayon kay San Mateo kabanata lima, talata tatlumpu’t walo hanggang apatnapu’t dalawa. 

Ebanghelyo: MATEO 5:38-42

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: Narinig na ninyo na sinabi: ‘Mata sa mata at ngipin sa ngipin.’ Ngunit sinasabi ko sa inyo: Huwag ninyong labanan ng masama ang masama. Kung sampalin ka sa kanang pisngi, ibaling ang mukha at ibaling ang kabilang pisngi. Kung may magdemanda sa iyo para kunin ang iyong sando, ibigay mo pati ang iyong kamiseta. Kung may pumilit sa iyong sumama sa kanya ng isang kilometro, dalawang kilometro ang lakarin mong kasama niya. Bigyan ang nanghihingi at huwag talikuran ang may hiniram sa iyo.

Pagninilay:

Isinulat ni Sr. Pinky Barrientos ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo. Kapag nasaktan tayo ng ating kapwa, ang natural nating reaksyon ay gumanti. At hindi lamang basta makaganti, kailangan mas higit pa ang maranasang sakit ng taong nakagawa sa atin ng masama. Walang idinudulot na mabuti ang ganito. Sa halip nagiging daan ito para magpatuloy at lumala ang karahasan sa pagitan ng dalawang magkasalungat na pamilya o partido. Totoo, hindi natin maiiwasan na magtanim ng galit at poot sa puso, at maghangad na makapaghiganti kung tayo ay biktima ng violence. Pero nagbibigay ba ng katahimikan ng budhi at kapayapaan sa puso ang paghihiganti? Narinig natin sa Mabuting Balita ngayon ang payo ni Hesus sa kanyang mga alagad: “huwag lumaban sa gumagawa ng masama.” Ang ibig sabihin ba nito ay kinukunsinti ni Hesus ang masamang ginagawa sa atin? 

Kapanalig/kapatid, alalahanin natin at itanim sa ating isipan na hindi kailanman kinukunsinti ni Hesus ang mga pang-aabuso at iba pang uri ng kawalang-katarungan na ating nararanasan o nangyayari sa ating kapaligiran. Pero ang ipinapayo niya sa kanyang mga alagad at disipulo ay huwag maghiganti. Huwag naising gumanti sa kapwa dahil ito ay hindi magdudulot ng mabuti. Dahil dito nagsisimula ang labanan at walang katapusang karahasan na ginagawa natin sa isa’t isa. Sa halip, nais ni Hesus na gumawa tayo ng mabuti sa kapwa, matutong magmahal at magpatawad, kagaya ng pagpapatawad ng Panginoon sa atin. Marami akong mga nabasang kwento ng mga biktima ng iba’t ibang uri ng violence na naglalahad kung gaano kahalaga ang forgiveness in order to get healed from the trauma of violence. Ayon sa kanila, hindi madali ang magpatawad, it takes time, pero ito lamang ang tanging paraan para ma-heal ang biktima mula sa trauma. At kapag napatawad na ng biktima ang nakagawa sa kanya ng masama, saka lamang siya makakaranas ng kagalingan at katahimikan sa kanyang buhay. Kapanalig/kapatid, hilingin natin sa Panginoon na pagkalooban tayo ng biyayang magpatawad sa mga nakagawa sa atin ng masama, katulad ng pagpapatawad niya sa ating mga kasalanan.