Daughters of Saint Paul

Hunyo 17, 2025 – Martes | Ika 11- Linggo ng Karaniwang Panahon

Ebanghelyo: Mt 5:43–48

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Narinig na ninyo na sinabi: Mahalin mo ang iyong kapwa at kamuhian ang iyong kaaway. Ngunit sinasabi ko sa inyo: Mahalin n’yo ang inyong kaaway, at ipagdasal ang umuusig sa inyo. Sa ganito kayo magiging mga anak ng inyong Amang nasa langit. Sapagkat pinasisikat niya ang araw sa kapwa masama at mabuti, at pinapapatak ang ulan sa kapwa makatarungan at di-makatarungan. Kung mahal n’yo ang nagmamahal sa inyo, ano ang gantimpala n’yo? Di ba’t ginagawa rin ito ng mga pagano? Kaya maging ganap kayo gaya ng pagiging ganap ng inyong Amang nasa langit.”

Pagninilay:

Sinabi ni Hesus: “Kaya maging ganap kayo, gaya ng inyong Ama na nasa langit.”  Ipinahayag sa atin ni  Hesus na ang pagiging ganap ay mula sa Ama. Paano nga ba magiging ganap ang isang tao? May kasabihan nga: “Nobody is perfect.” Ngunit nais ng Ama na ipakita sa atin kung ano ang ganap na pagmamahal. Ito ang dahilan ng pagpapadala ng Kanyang Bugtong na Anak na si Hesus upang ipadama sa ating lahat ang walang hanggang pag-ibig ng Diyos. Ang pagmamahal ay walang itinatangi, dahil kahit sino ka man, mahal ka ng Diyos. Marami na tayong nabasa at marami na ang naisulat tungkol sa pag-ibig, tungkol sa awa ng Diyos. Bigyang-pansin  natin ang sinabi ni Hesus, kung paano magmahal. Napakaliwanag po ang kondisyon na ibinigay ni Hesus, upang maging ganap.

Sinabi Niya: “Ibigin ninyo ang inyong mga kaaway at idalangin ang mga umuusig sa inyo… Napakahirap gawin ang ibigin ang kaaway, lalo na sa ating mga Pilipino. Medyo sensitibo tayo, madaling magdamdam at magtanim ng sama ng loob. Ngunit, posible ang magmahal kung susundin natin ang sinabi ni Hesus. Pagnilayan natin kung paano pinatawad ni Hesus ang mga nagpahirap at nagpapatay sa Kanya. Nanalangin siya sa Ama habang nakabayubay siya sa Krus: “Ama, patawarin Mo po sila sapagka’t di nila nalalaman ang kanilang ginagawa.”

Sa kanyang muling pagkabuhay ipinakita Niya na posible ang magpatawad sa ating mga kaaway. Kaya, naman sinabi Niya: “Kung iniibig ninyo ang mga umiibig sa inyo, anong gantimpala ang inyong makakamtan? Di ba gayundin ang ginagawa ng mga publikano?”

Ang Diyos ang ugat ng tunay na pagmamahal. Ang mensahe ng ebanghelyo nina San Mateo , San Markos, San Lukas at San Juan ay ang dakilang pag-ibig ng Diyos Ama  sa pamamagitan ni Hesus na nagpakasakit, namatay at nabuhay na mag-uli para sa ating lahat. Mahirap ba talaga ang magmahal? Kung kasama nating lagi si Hesus, matututo tayong magmahal at magiging ganap tayo tulad ng ating Amang nasa langit.