Daughters of Saint Paul

Hunyo 18 , 2017 LINGGO Dakilang kapistahan ng Katawan at Dugo ni Kristo

 

Dt 8:2-3, 14b-16a – Slm 147 – 1Cor 10:16-17 –  Jn 6:51-58

Jn 6:51-58

Sinabi ni Jesus sa mga tao: “Ako ang tinapay na buhay, na pumanaog mula sa Langit. Kung may kakain ng tinapay na ito, mabubuhay siya magpakailanman.  At ang tinapay na aking ibibigay ay ang aking laman, alang-alang sa ikabubuhay ng mundo.”

            Nagtalu-talo ang mga Judio at nagsalita: “Paano tayo mabibigyan ng laman para kainin?” Kaya sinabi sa kanila ni Jesus, “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, kung hindi n’yo kakanin ang laman ng Anak ng Tao at iinumin ang kanyang dugo, hindi kayo magkaroon ng buhay sa inyong kalooban.  May buhay na walang hanggan ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo at ibabangon ko siya sa huling araw.

“Sapagkat tunay na pagkain ang aking laman at tunay na inumin ang aking dugo. Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay nananatili sa akin at ako naman sa kanya.  Sinugo nga ako ng buhay na Ama, gayundin naman dahil  sa akin mabubuhay ang kumakain sa akin.

“Ito ang tinapay na pumanaog mula sa Langit, hindi gaya sa inyong mga ninuno na kumain at nangamatay pa rin. Mabubuhay naman magpakailanman ang kumakain ng tinapay na ito.”

PAGNINILAY

Mga kapatid, ang Kapistahan ng Banal na Katawan at Dugo ni Kristo na ipinagdiriwang ng buong Iglesya Katolika ngayon, napakahitik sa kahulugan.  Mula pa pagkabata, natutuhan na natin sa katesismo kung paanong ang ordinaryong tinapay at alak, nagiging Banal na Katawan at Dugo ni Kristo, na siyang ating tinanggap sa Banal na Komunyon.  Hindi isang simbolo ang ating tinanggap, kundi si Jesus mismo sa Kanyang pagka-Diyos at pagka-tao.  At sa ating pagtanggap sa Kanya, totoong tinatanggap natin ang buhay na walang hanggan.  Ang Katawan at Dugo ni Kristo, tunay na kinakatawan ng mga mananampalataya, ng pamayanang Kristiyano.  Sabi nga ni San Pablo sa mga taga-Corinto:  “Kaya nga, yamang isa lamang ang tinapay, tayo’y iisang katawan bagama’t marami, dahil nakikibahagi tayo sa iisang tinapay.”  Hindi tayo maaaring makibahagi sa iisang Tinapay, ang Katawan ni Kristo sa Eukaristiya, kung hindi tayo makikibahagi at magmamalasakit sa mga pagal na katawan ng mga nangangailangan.  Tulad ni Mother Teresa ng Calcutta na marubdob ang pagmamahal sa Banal na Eukaristiya, kung marubdob din ang pagmamahal natin sa Banal na Eukaristiya, kinakailangang ganoon din karubdob ang pagmamahal natin sa ating kapwa – lalo na ang dukha at higit na nangangailangan.  Pero, hindi rin naman magiging  mabunga ang hangarin nating tugunan ang paghihirap ng ating kapwa kung hindi natin huhugutin ang ating lakas mula sa Banal na Eukaristiya.  Ang pagmamahal sa Diyos, kay Jesus, tunay na hindi maaaring ihiwalay sa pagmamahal sa kapwa.