Daughters of Saint Paul

Hunyo 18, 2018 Lunes sa Ika-11 na Linggo ng Taon / San Marcelino

MATEO 5:38-42

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: Narinig na ninyo na sinabi: 'Mata sa mata at ngipin sa ngipin.' Ngunit sinasabi ko sa inyo: Huwag ninyong labanan ng masama ang masama. Kung sampalin ka sa kanang pisngi, ibaling ang mukha at iharap ang kabilang pisngi. Kung may magdemanda sa iyo para kunin ang iyong sando, ibigay mo pati ang iyong kamiseta. Kung may pumilit sa iyong sumama sa kanya ng isang kilometro, dalawang kilometro ang lakarin mo kasama niya. Bigyan ang nanghihingi at huwag talikuran ang may hiniram sa iyo.

             

PAGNINILAY:

Sa kalakaran ng mundo ngayon na mata sa mata at ngipin sa ngipin ang umiiral na sistema, tila mahirap isabuhay ang panawagan ng Panginoon.  Pero hindi ito imposible! kung sisikapin nating sundin sa tulong ng Panginoon.   Kung lagi tayong mahinahon sa pakikitungo sa mga taong humahamon at umuubos ng ating pasensya – walang gulong magaganap, walang samaan ng loob at higit sa lahat nakatutugon tayo sa hamon na mahalin ang ating kaaway.  Huwag nating ilalagay sa ating kamay ang paghihiganti sa mga taong gumawa sa atin ng masama.  Dahil ang Diyos lamang ang may karapatang humusga at magparusa sa mga gawaing masama.  Sa panahon natin ngayon na puro init ng ulo ang pinapairal ng marami; na sa maliliit na bagay lang nauuwi sa mainitang pagtatalo, pagbitiw ng masasakit na salita, at minsan, sa patayan pa – mahalagang pakinggan ang sinasabi sa atin ng Panginoon ngayon.  “Huwag n’yong labanan ng masama ang masama.”  Ilan bang patayan ang naganap dahil lang sa pakikipag-gitgitan sa traffic o di kaya pag-aagawan sa parking. Ilang magkakaibigan ang tuluyan nang nasira ang mabuting samahan, dahil sa ayaw magpakumbaba at magpatawaran? Ilang mag-asawa ang tuluyang nagkahiwalay dahil tinapatan ni misis ang pangangaliwa ni mister?  Ilan lamang itong halimbawa ng mga gawaing masama na sinuklian ng isa pang masama.  Mga kapanalig, kung matututo lamang tayong kontrolin ang sarili sa tuwing tayo’y nagagalit, at ipagdasal ang mga taong humahamon ng ating pasensiya, maiiwasan nating magkaroon ng kaaway.  Isang malaking tulong sa akin kapag nasa ganito akong sitwasyon ang umalis muna para makapag-isa, makapag-isip at makapagdasal.  Dinadala ko sa panalangin ang galit sa aking puso at nananatili ako sa harapan ng Panginoon, hanggang sa maramdaman kong humupa na ang aking galit. At kapag mapayapa na ang pakiramdam ko, saka ko lalapitan ang taong nakagalit ko para maghingi ng “sorry” at ipaliwanag sa mahinahong paraan bakit ako ang nagalit.  Tunay ngang ang Panginoon lamang ang makakatulong sa atin para maisabuhay ang hamon ng Ebanghelyo ngayon.