BAGONG UMAGA
Kaya mo bang magmahal ng kaaway? Mapayapang araw ng Martes mga kapanalig/mga kapatid! Ito po si Sr Rose Agtarap ng Daughters of St. Paul para sa Mabuting Balita. Pagnilayan po natin ang Ebanghelyo ayon kay San Mateo kabanata lima, talata apatnapu’t tatlo hanggang apatnapu’t walo.
Ebanghelyo: Mateo 5,38–48
Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Narinig na ninyo na sinabi: Mata sa mata at ngipin sa ngipin. Ngunit sinasabi ko sa inyo: Huwag ninyong labanan ng masama ang masama. Kung sampalin ka sa kanang pisngi, ibaling ang mukha at ibaling ang kabilang pisngi. Kung may magdemanda sa iyo para kunin ang iyong sando, ibigay mo pati ang iyong kamiseta. Kung may pumilit sa iyong sumama sa kanya nang isang kilometro, dalawang kilometro ang lakarin mong kasama niya. Bigyan ang nanghihingi at huwag talikuran ang may hinihiram sa iyo.
Pagninilay:
Sinulat po ni Sr. Lourdes Ranara po ng Daughters of St. Paul ang pagninilay ngayon. Kapanalig/kapatid, nasubukan mo na bang magmahal ng kaaway? O kaya maging mabuti sa taong nang-away sa iyo? Mahirap ano? Naalala ko tuloy noong naatasan ako ng aming guro na bantayan ang aking mga kamag-aral habang sila ay kumukuha ng final exams. Kasama ako noon sa year level top ten kaya una kaming kumuha ng final exams. Doon ko nakita ang iba’t ibang uri ng pandaraya kaya pinagsabihan ko yong mga nahuli ko. Isinumbong ko sa aming guro yong mga hindi tumigil. Siyempre nagalit sa akin yong mga isinumbong ko. Sa unang pagkakataon, naranasan ko kung ano ang pakiramdam ng may kaaway o inaaway. Ang bigat pala sa loob. Hindi matahimik at makatulog. Alam kong nasa tama ako pero kinailangan kong magpakumbaba alang-alang sa kapayapaan at kapanatagan ng aking kalooban. Kaya tuwing nagkikita-kita kami, binabati ko pa rin sila. Bahala sila kung galit pa sila, basta ako, wala na akong galit sa kanila. Ginawa ko lang ang aking obligasyon dahil kung hindi ko gagampanan ang tungkuling iniatas sa akin ni Ma’am, magagalit naman sa akin ang mga hindi nandaya sa exams. Kapanalig/kapatid, ang pagpapatawad at pagmamahal sa kaaway ay hindi lamang pagsunod sa utos ni Jesus. Ito ay isang gawaing nagbibigay ng kapayapaan at kapanatagan sa ating kalooban. Kapag nagmahal pala tayo ng kaaway, tayo ang unang nabibiyayaan dahil gumagaan ang ating pakiramdam at nakakatulog tayo nang mapayapa.