Daughters of Saint Paul

Hunyo 18, 2025 – Miyerkules | Ika 11- Linggo ng Karaniwang Panahon

Ebanghelyo:  Matthew 6:1-6,16-18

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Mag-ingat na hindi maging pakitantao lamang ang inyong mabubuting gawa. Kung ganito ang gagawin n’yo wala na kayong gantimpala sa inyong Amang nasa Langit. Kaya pag nagbibigay ka ng limos, huwag pahipan ang trumpeta sa unahan gaya ng ginagawa ng mga mapagkunwari sa sinagoga at sa mga daan; gusto nilang mapuri ng mga tao. Sinisiguro ko sa inyo na nagantimpalaan na sila ng husto. Kaya kung ikaw naman ang magbibigay ng limos, huwag ipaalam sa iyong kaliwang kamay ang ginagawa ng iyong kanang kamay; at mananatiling lihim ang iyong paglilimos at ang iyong Amang nakakakita sa mga lihim ang siyang gagantimpala sa iyo. Kung mananalangin kayo, huwag n’yong tularan ang mga mapagkunwari. Gustung-gusto nilang tumayo sa mga sinagoga o sa mga daan para manalangin nang nakikita ng marami. Sinisiguro ko sa inyo na nagantimpalaan na sila nang husto. At kung ikaw naman ang mananalangin, pumasok sa iyong silid, isara ang pinto at manalangin sa iyong Ama na kasama mo nang lihim; at ang iyong Ama na nakakakita sa ipinaglilihim ang gagantimpala sa iyo. Pag mag-aayuno kayo, huwag magpakita ng lungkot sa mukha gaya ng mga mapagkunwari. Nagpapakita sila ng lungkot sa mukha para makita ng tao na nag-aayuno sila. Talagang sinasabi ko sa inyo na nagantipalaan na sila nang husto. Kung ikaw naman ang mag-aayuno, maghilamos at ayusin ang sarili sapagkat hindi ka nag-aayuno na pakitantao lamang kundi para sa iyong Amang nakakakita sa lahat. At gagantimpalaan ka ng iyong Amang nakakakita sa lahat ng lihim.”

Pagninilay:

Isang mabigat na akusasyon na iniharap ng mga Judio laban kay Hesus ay tinangka raw nitong ibasura ang tradisyon at pananampalataya ng bayang Israel. Sa ebanghelyo napakinggan natin kung paanong hindi lamang kinilala at ginalang ni Hesus ang tradisyon ng mga Judio kundi puspusan pa niya itong itinuro at pinalawig. Sa kanyang pangangaral, binigyang-diin niya na mahalaga ang tatlong batayan ng pananampalataya ng mga Judio – ang paglilimos, pag-aayuno at pananalangin. Hindi niya binabalewala o tinatapon ang mga ito. Katunayan, bilang isang Judio na tapat sa kanyang pananampalataya, isinabuhay ni Hesus ang mga ito. Subalit batid ni Hesus na sa pagtupad sa mga tradisyong ito, maaring maligaw ang tao ukol sa pinagtutuunan nito. Sa halip na pag-ibig sa Diyos at malasakit sa kapwa ang pagmulan ng magagandang gawaing ito, maari itong mapalitan ng paghahangad na matanyag lamang ang sarili. Nagbabala si Hesus laban sa pagiging ipokrito. Sa salitang Griyego ang ipokrito ay katumbas ng salitang “artista”. Nagpapanggap lamang ang isang artista. May papel lamang siyang ginagampanan na karaniwang walang kaugnayan sa tunay na buhay o totoo niyang pagkatao.

Ang mga gawaing kaugnay ng pananampalataya tulad ng paglilimos, pag-aayuno at pananalangin ay orihinal na maganda ang pakay, subalit sa aktwal na praktis ng mga Judio, humantong ito sa pang-aabuso at kabulaanan. Naglilimos sila sa hudyat ng trompeta at kailangang ipagparangya ang inabot na tulong. Nag-aayuno kasabay ng pagtawag ng pansin sa kanilang sarili. Ipinapakitang malamlam ang kanilang mga mukha upang mabatid ng lahat na sila’y nagsasakripisyo. Nananalangin subalit pinipiling tumayo sa panulukan ng mga daan kung saan maraming tao ang makakapanood sa kanila. Hinikayat ni Hesus ang kanyang mga kababayang Judio, at maging tayong lahat, na kung may gagawin tayong mabuti para sa Diyos at para sa ating kapwa, magmula sana ito sa taimtim at malinis na kalooban at hindi sa mapag-imbot na hangarin na tayo ay matanyag at maging angat sa iba. Hindi natin dapat hanapin o hangarin na tayo ay palakpakan o purihin ng mga tao. Isa lamang ang kailangang matuwa sa mabuti nating ginagawa. Siya’y walang iba kundi ang Diyos kung saan wala tayong maitatagong lihim. Makikita niya kung tayo’y nagpapanggap lamang o taimtim tayong nagpupuri sa kanya.

Ama, puspusin mo kami ng Espiritung banal nang sa gayo’y iwasan namin ang pagbabalatkayo, at sa lahat ng oras sikapin naming maging taimtim at totoo sa pagmamahal naming sa Diyos at sa aming kapwa. Amen.