BAGONG UMAGA
Bakit ka nagpapakabuti?
Mabiyayang araw ng Mierkules mga kapanalig/mga kapatid! Ito po si Sr Rose Agtarap ng Daughters of St. Paul para sa Mabuting Balita. Pagnilayan po natin ang Ebanghelyo ayon kay San Mateo kabanata anim, talata isa hanggang anim at labing-anim hanggang labingwalo.
Ebanghelyo: MATEO 6:1-6, 16-18
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Mag-ingat na hindi maging pakitang tao lamang ang inyong mabubuting gawa. Kung ganito ang gagawin n’yo, wala na kayong gantimpala sa inyong Amang nasa langit. Kaya pag nagbibigay ka ng limos, huwag pahipan ang trumpeta sa unahan gaya ng ginagawa ng mga mapagkunwari sa sinagoga at sa mga daan; gusto nilang mapuri ng mga tao. Sinisiguro ko sa inyo na nagantimpalaan na sila nang husto. “Kaya kung ikaw naman ang magbibigay ng limos, huwag ipaalam sa iyong kaliwang kamay ang ginagawa ng iyong kanang kamay; at mananatiling lihim ang iyong paglilimos at ang iyong Amang nakakakita sa mga lihim ang siyang gagantimpala sa iyo. …At kung ikaw naman ang mananalangin, pumasok sa iyong silid, isara ang pinto at manalangin sa iyong Ama na kasama mo nang lihim; at ang iyong Ama na nakakakita sa ipinaglilihim ang gagantimpala sa iyo… Kung ikaw naman ang mag-aayuno, maghilamos at ayusin ang sarili sapagkat hindi ka nag-aayuno na pakitang tao lamang kundi para sa iyong Amang nakakakita sa lahat. At gagantimpalaan ka ng iyong Amang nakakakita sa lahat ng lihim.”
Pagninilay:
Sinulat po ni Fr. Buen Cruz ng Society of St. Paul ang pagninilay. Pakitang-Tao Lamang: Madalas tayong makakita o makapanood ng mga nagbibigay-tulong o abuloy sa Social Media. Minsan tinatanong sila kung bakit pa kailangan ivideo – eh pwede namang hindi. Totoo po na may mga pagtulong na hindi na kailangan ng documentation. Mayroon din namang ginagawa itong paraan upang makapang hikayat din ng iba na gumawa ng mabuti. Pareho silang may mabuting intension; ito marahil ang mas makabubuting bigyan ng pokus o atensyon. Bakit ka tutulong? Bakit ka nananalangin? Bakit ka nagpapakabuti? Dahil lamang ba may nakatingin? Dahil ba sa sasabihin ng iba?
Sabi nila, ang taong nabubuhay sa sabi nila – sa pakitang tao nababatay ang saya, ‘di magtatagal, magbabago muli ang sabi nila at tiyak hindi ka na sasaya. Tandaan laging may masasabi ang iba, maganda at di maganda.
Hindi naman pwedeng puro sabi mo na lamang. Yabang na iyon.
Sabi nila, sabi mo – O ano ang Sabi ng Diyos sa iyo?
Ano’ng misyon ng Diyos para sa’yo?
Gumawa tayo at tupdin ang ating misyon – may video o wala, may nakatingin man o nag-iisa. Hindi na kailangang malaman ng kaliwang kamay ang ginagawang kabutihan ng kanan. Sa ating pagkakawanggawa, sa pananalangin o sa ating buhay at pagsisikap magpakabuti – ang pamantayan nawa natin at gawing gabay ay ang ating pakikinig at pagsunod sa Kalooban ng Diyos at hindi ang mata o masasabi ng iba. Nakikita ng Ama ang ating tunay na kalooban. Manatiling tapat sa ating pagsisikap na maging mabuti araw-araw. Ito ang daan tungo sa dalisay na kabutihan at ganap na kabanalan. Amen.