Daughters of Saint Paul

Hunyo 2, 2018 Sabado sa Ikawalong linggo ng Taon / San Marcelino at San Pedro, mga martir

MARCOS 11:27 – 33

Muling dumating sa Jerusalem si Jesus  at ang kanyang mga alagad, at paglakad nya sa Templo, nilapitan siya ng mga Punong-pari kasama ang mga guro ng Batas at ang Matatanda ng bayan, at nagtanong: “Ano ang karapatang mong gawin ang mga ito?” Sino nagtalaga sa iyo na gawin ito?” Sinabi naman ni Jesus: “Tatanungin ko rin kayo nga isang tanong. Sasagutin ninyo ako at sasagutin ko rin kayo kung sino ang nagtalaga sa akin para sa mga ito. Galing ba sa Diyos ang pagbibinyag ni Juan, o sa tao? Sabihin ninyo sa akin.” At nag-isip-isip sila: “Kung isasagot nating galing sa Diyos, sasabihin niya: 'Bakit di kayo naniniwala sa kanya?' at paano naman nating masasabing galing lamang sa tao ang pagbibinyag ni Juan?” Takot nga sila sa bayan dahil tunay na propeta ang palagay ng lahat kay Juan. Kaya sinagot nila kay Jesus: “Hindi namin alam.” At sinabi sa kanila ni Jesus: “Hindi ko rin sasabihin sa inyo kung sino ang nagtalaga sa akin ang gumawa ng mga ito.”

PAGNINILAY:

Mula pa rin sa panulat ni Sr. Rose Agtarap ang pagninilay sa Ebanghelyo.  Naaala po ninyo yung kwento ng alakdan at isang matandang lalaki? Nakita ni Lolo ang isang alakdan na lumulutang-lutang sa ilog. Habang inaanod papalayo ang alakdan, mabilis na iniunat ng matanda ang sarili at kumapit sa ugat ng puno upang iligtas ito. Sa sandaling hinipo niya ito, tinuklaw siya ng alakdan. Nagulat siya at inalis ang kanyang kamay. Pagkaraan ng ilang minuto, muling niyang iniligtas ang alakdan. Tinamaan ng makamandag na buntot ang kanyang kamay at namaga ito, at namilipit ang matanda sa sakit. Nakita siya ng isang dumaraan at sinigawan siya: "Hoy, ano ba ang problema mo? Tanga lamang ang magpapapinsala ng sarili para sa isang makamandag at masamang nilalang. Alam mo bang maaari kang mamatay kung ililigtas mo ang hindi kanais-nais na alakdan?"Sumagot ang matandang lalaki, "Kaibigan, dahil ba likas sa alakdan na manuklaw, babaguhin ko na ang aking kalikasan upang tumulong at magligtas?"  Tinanong si Jesus sa ebanghelyo ngayon kung ano ang karapatan niya sa paggawa ng mga kababalaghan. Saan ba nanggagaling iyon?  Siguro, magandang tanungin natin ang ating sarili: “Bakit ko ginagawa ang anumang gawain? Nagpapadala ba ako sa ugali at gawi ng ibang tao? Likas sa atin ang tumulong at magligtas gaya ng matandang lalaki sa kwento. Nananaig ba ang takot natin sa kamandag ng iba’t ibang alakdan kaya’t nananatili tayo pipi, bingi at pilay, walang pakialam sa mga taong higit na nangangailangan ng ating pagmamahal?