Daughters of Saint Paul

HUNYO 2, 2021 – MIYERKULES SA IKA-SIYAM NA LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: Mk 12:18–27

Lumapit kay Jesus ang mga Sadduseo. Sinasabi ng mga ito na walang pagkabuhay na muli kaya nagtanong sila: “Guro, isinulat ni Moises para sa amin: ‘Kung may magkakapatid na lalaki at mamatay na walang anak ang isa sa kanila, kailangang kunin ng kanyang kapatid ang kanyang asawa upang magpasibol ng supling sa kanyang kapatid.’ Ngayon, may pitong magkakapatid. Nag-asawa ang panganay at namatay na walang anak. Kaya kinuha ng ikalawa ang kanyang asawa, at namatay ring walang anak. Ganito rin ang nangyari sa pangatlo. Silang pito nga ay namatay nang hindi nagkaanak. At sa huli’y namatay din ang babae. Ngayon, sa muling pagkabuhay—kung mabubuhay silang muli—kanino sa pito siya magiging asawa? Ang pito nga ang umangkin sa kanya.” At sumagot si Jesus: “Hindi kaya bunga ng hindi ninyo pagkaunawa sa Kasulatan at sa kapangyarihan ng Diyos ang inyong pagkakamali? Sa muling pagkabuhay nga nila, hindi na mag-aasawa ang lalaki o babae kundi para na silang mga anghel sa Langit. At tungkol naman sa mga patay at sa muling pagkabuhay, hindi ba ninyo inunawa ang sinabi sa inyo ng Diyos sa aklat ni Moises, sa kabanatang palumpong: ‘Ako ang Diyos ni Abraham, ang Diyos ni Isaac at ang Diyos ni Jacob’? Hindi siya Diyos ng mga patay kundi ng mga buhay. Maling-mali kayo.” 

PAGNINILAY

Mula sa panulat ni Sr. Ma. Janice Golez ng Pious Disciples of the Divine Master o PDDM ang pagninilay sa ebanghelyo.  Sa gitna ng ating nararanasang pandemya, saan nakakapit ang iyong pananampalataya’t pag-asa? Natitinag ka din ba at nagdadalawang-isip kapag ang pananampalatayang ito ay nakararanas ng pagsubok o kaya’y pangungutya ng iba? (Mga kapatid, matatag tayong manindigan sa katotohanang meron tayong Makapangyarihang Diyos na Syang bumuhay muli kay Kristo.// Sa Mabuting Balita ngayon, hinarap ni Hesus ang mga Saduseo. Sila ang mga mayayaman, corrupt at kadalasa’y nagkakaroon ng posisyon bilang punong pari ng Sadhedrin—ang namamahala sa lahat ng pang relihiyon at legal na isyu ng mga Judio. Mainit sa mga mata nila ang lahat ng ginagawa at tinuturo ni Hesus lalung-lalo na ang tungkol sa Muling Pagkabuhay dahil di sila naniniwala dito. Pero naunawaan ng Panginoon na hindi nila nalalaman ang mga kasulatan, ni ang kapangyarihan ng Diyos. Tama nga naman, mahirap paintindihin at paniwalain ang taong sarado ang isip at damdamin.//) Bilang mga Kristiyano, naniniwala tayo sa Muling Pagkabuhay. Maganda ang sinabi ni Pope Emeritus Benedict XVI ukol dito: “Ang Kamatayan at Muling Pagkabuhay ni Hesus, ang PUSO ng ating pagka-Kristiyano; ang pangunahing SANDALAN ng ating pananampalataya; ang makapangyarihang PINGGA ng katiyakan; ang masigasig na HANGIN na pumapawi sa takot at pag-aalinlangan, bawat pagdududa at pagkalkula ng tao.”// Ganito kadakila ang ating pananampalataya kay Kristo. Dahil sa Kanyang Pagkamatay at Muling Pagkabuhay, nagkaroon ng saysay ang ating buhay. Nagkaroon din tayo ng pag-asa na tayo ding mga nanampalataya sa Kanya’y mabubuhay na mag-uli sa wakas ng panahon.// Mga kapatid, sa pag-asang ito tayo humugot ng pananampalataya sa gitna ng unos na nararanasan natin ngayon. O Hesus, Hari ng Awa, maawa ka sa amin!