Daughters of Saint Paul

HUNYO 20, 2020 – SABADO SA IKA-11 NA LINGGO NG TAON | Paggunita sa Kalinis-linisang Puso ni Maria

EBANGHELYO: Lk 2:41-51

Pumupunta taun-taon sa Jerusalem ang mga magulang ni Jesus sa Piyesta ng Paskuwa. Kayat nang maglabindalawang taon na siya, umahon sila tulad ng nakaugalian para sa pagdiriwang. Subalit nang umuwi na sila pagkatapos ng mga araw ng piyesta, naiwan sa Jerusalem ang batang si Jesus nang hindi namamalayan ng kanyang mga magulang. Sa pag-aakalang kasama siya ng iba pang mga kasamahan, maghapon silang nakipaglakbay at noon nila hinanap  ang bata sa nga kamag-anakan nila’t mga kakilala. Nang hindi nila siya matagpuan, bumalik sila sa Jerusalem sa paghahanap sa kanya. At sa ikatlong araw, natagpuan nila siya sa Templo, nakaupong kasama ng mga guro at nakikinig at nagtatanong sa kanila. At namangha sa kanyang talino at  mga sagot ang mga nakarinig sa kanya. Nagulat ang kanyang mga magulang pagkakita sa kanya, at sinabi sa kanya ng kanyang ina: ”Anak, bakit mo naman ito ginawa sa amin? Nagdusa nga ang iyong ama at ako habang hinahanap ka namin.” Ngunit sinabi niya sa kanila: “ At bakit n’yo ako hinahanap? Hindi ba n’yo alam na dapat ay nasa bahay ako ng aking ama?” Pero hindi nila naintindihan ang sinabi nila sa kanila. Kaya  bumaba siyang kasama nila  pa-Nazaret, at patuloy siya sa pagiging masunurin sa kanila. Iningatan naman ng kanyang ina ang lahat ng ito sa kanyang puso.

PAGNINILAY:

Mula sa panulat ni Sr. Reajoy San Luis ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo.  Ayan ginamit mo na naman yang puso mo, kaya mali-mali yang desisyon mo! Yan ang maririnig natin sa mga taong ang akala ay sa utak lang nanggagaling ang lahat ng tamang desisyon. Pero taliwas ito sa nangyari kay Maria. Sa kanyang kasimplihan, buong puso niyang tinanggap ang kalooban ng Diyos at sumunod — kahit na hindi niya lubusang naiintindihan ang lahat ng nangyayari. Katulad na lang sa Mabuting Balita natin ngayon, nang sobra silang nag-alala nung mawala si Jesus, sabi nga hindi talaga nila naiintindihan yung rason niya. Pero, pano nga ba natin malalaman kung tama ang desisyon gamit ang puso natin? Makipag-heart-to heart talk kasi kay Lord… sa madaling salita magdasal tayo, bago tayo magdesisyon. Yung dasal na bukas ang puso, pati na ang isip at buong pagkatao sa pakikinig sa kanya — at katulad ni Maria, bukas ang pusong sumunod sa kanya. Sigurado yan.