Daughters of Saint Paul

Hunyo 20, 2025 – Biyernes | Ika 11- Linggo ng Karaniwang Panahon

Ebanghelyo: Mt 6:19–23

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Huwag dito sa lupa kayo mag-ipon ng inyong mga iniipon sapagkat dito’y masisira ang mga iyon ng mga kulisap at kalawang, at mananakaw ng magnanakaw. Sa piling ng Diyos kayo mag-ipon ng inyong iniipon; wala nga roong kulisap o kalawang na sisira, at walang magnanakaw. Malaman mo sana na kung nasaan ang iyong kayamanan, naroon din ang iyong puso. Ang iyong mata ang lampara ng iyong katawan; kung malinaw ang iyong mata, nasa liwanag ang buo mong katawan. Kung malabo naman ang iyong mata, nasa kadiliman ang buo mong katawan. At kung dumilim ang liwanag na nasa iyo, gaano pa kaya ang madilim!”

Pagninilay:

Ayon sa datos na inilathala noong 2023, humigit-kumulang 600,000 na Pilipino ang bulag at mahigit dalawang milyon ang may mahinang paningin at iba pang kaugnay na kapansanan sa paningin. Ang pangunahing dahilan ng pagkawala ng kanilang paningin ay katarata. Sa ating Mabuting Balita ngayon, sinabi ni Hesus, “Kung malinaw ang iyong paningin, mapupuno ng liwanag ang iyong buong katawan. Ngunit kung malabo ang iyong paningin, mapupuno ng kadiliman ang iyong buong katawan. At kung ang ilaw mo’y madilim, ikaw nga ay tunay na nasa kadiliman.”

Lumalabo ang mata ng isang taong may katarata dahil hinahadlangan ng namumuong katarata ang pagpasok ng ilaw sa lente ng mata kaya’t hindi ito nakakapaglabas ng malinaw na imahe. Mga kapanalig, sa espiritual na perspektibo, maaari nating tanungin ang ating sarili, malinaw ba ang aking paningin o malabo na dahil sa katarata? Nariyan kasi ang katarata ng katamaran: kakulangan sa paglalaan ng oras at effort sa pagpapalalim ng relasyon sa Panginoon at kapwa. Pangalawa, ang katarata ng pagwawalang-bahala o indifference: ito ‘yung pagiging bulag sa pangangailangan ng iba dahil inuuna ang sariling kaginhawahan o kapakanan. Pangatlo, katarata ng kapanglawan o pangungulila sa nakalipas, na siyang humahadlang sa atin na makita ang biyayang handog ng kasalukuyang sandali o present moment. Ilan lang ito sa mga halimbawa ng espiritual na katarata. Siguro habang pinapanood mo ito ay may naisip ka na ring halimbawa ng katarata sa iyong mata. Sa sandaling madiskubre mo ito ay dali-dali mo itong idulog sa Panginoon upang tulungan ka niyang maalis ang iyong katarata. Ang Panginoong Hesus ang ilaw ng sanlibutan! Makakaasa tayo na hindi Niya nanaising mapunta tayo sa kadiliman.