Daughters of Saint Paul

HUNYO 21, 2019 BIYERNES SA IKA-11 LINGGO NG TAON

 

EBANGHELYO: Mt 6:19-23

 

PAGNINILAY:

Isinulat ng aming madre na si Sr. Kayla Ventura ang pagninilay sa Ebanghelyo.  Kayamanan, isa sa pinaka pangunahing pinag-uukulan ng pansin ng mga tao ngayon, kung paano yumaman at mapabuti ang buhay. Pero sa ebanghelyo ngayon, mariing sinasabi ni Hesus na huwag nating ibaling ang atensyon sa yamang inaanay o nabubulok lamang. Sa halip, pagsikapang makamit ang yamang maghahatid sa atin sa buhay na walang hanggan.  May dalawang uri ng kayamanan:  ang temporal o materyal na yaman, tulad ng ating mga ari-arian, gadgets, masasarap na pagkain, naipong pera at iba pa. Ito ang kayamanang nasisira at hindi madadala sa sandali ng kamatayan. At ang ikalawa, ang espiritwal na yaman. Ito ang yaman ng atin mismong pagkatao – ang ating marubdob na pananalig sa Diyos na dumadaloy sa ating magandang pag-uugali at pakikitungo sa kapwa.  Ito ang kayamanang hindi masisira, mananakaw o maaanay kailanman.  Ito ang kayamanang maihaharap natin sa Panginoon pagkatapos ng maikling buhay natin sa mundo.  Sinabi pa ni Jesus, "malaman mo sana na kung nasaan ang iyong kayamanan, naroon din ang iyong puso.” Naalala ko tuloy ang aking ama noong siya’y nabubuhay pa. Palagi niyang pinapaalala sa amin na huwag mawawalan ng pag-asa sa gitna ng pagsubok.  Sa halip laging magtiwala sa grasya ng Diyos.  Salat man siya sa buhay at hindi nakapag-aral, pero mayaman siya makalangit na karunungan at kabutihang asal na siyang ipinamana sa aming mga anak.  Kaya noong pumasok ako sa kumbento hindi ako nahirapang magpaalam.  Sinabi niya lang, "hindi habang buhay magkakasama tayo, nasa tamang edad ka na, ikaw na ang may desisyon sa buhay mo”. Mga kapatid, sa ating pang-araw-araw na buhay higit nawa nating mapag-ukulan ng pansin ang pagkamit ng espiritwal na yaman, na maghahatid sa atin sa buhay na walang hanggan.