EBANGHELYO: Mt 10:26-33
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Walang tinatakpan na di nabubunyag at walang natatago na di nahahayag. Ang sinasabi ko sa inyo sa dilim, ipahayag ninyo sa liwanag. Ang narinig ninyo nang pabulong, ipahayag mula sa bubong. “Huwag matakot sa mga nakapapatay ng katawan ngunit hindi ng kaluluwa. Matakot kayo sa may kapangyarihang sumira ng kaluluwa pati ng katawan sa impiyerno. Nabibili ang dalawang maya kahit na sa ilang sentimo, wala isa mang bumabagsak sa lupa na hindi niloloob ng Ama. At kayo, bilang na pati buhok sa inyong ulo. Kaya huwag kayong matakot: mas mahalaga kayo kaysa mga maya. Ang sinumang kumikilala sa akin sa harap ng mga tao ay kikilalanin ko sa harap ng aking Ama sa Langit. At ang ayaw kumilala sa akin sa harap ng mga tao ay hindi ko rin kikilalanin sa harap ng aking Ama sa Langit.
PAGNINILAY:
Mula sa panulat ni Fr. Vic Rey Duron ng Society of St. Paul ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo. Ang aming Founder ng Pauline Family, na si Blessed James Alberione, ay nag-iwan sa amin ng mahigpit na habilin. “Sa lahat ng oratoryo o kapilyang itatayo, huwag kalilimutang ilagay sa harap ng altar ang pahayag na ito, “Fear not I am with you! Huwag kayong matakot, kasama ninyo ako! Ito ang pangako ni Hesus na magbibigay sa atin ng kalakasan at pag-asa sa araw-araw nating buhay. Lalo na ngayong panahon ng Covid 19, na nakararanas tayo ng kawalan, takot, pangamba, at walang katiyakan. Panghawakan natin ang mga salitang ito ni Hesus na, “Huwag kayong matakot, kasama ninyo ako”. Mga kapatid, sa panahong ito ng pandemya, manalig tayo na hindi natutulog ang ating Diyos; hindi Siya malayo sa atin. Bagkus siya ang Diyos na kasa-kasama natin sa paglalakbay sa buhay. Kaisa at kasama natin si Hesus sa pagharap sa madilim na yugto ng ating buhay sa ngayon. Kung iniingatan nga ng Diyos ang mga ibon, bulaklak at iba pa sa kapaligiran, mas lalo niya tayong iniingatan dahil mahal Niya tayo at kaaya-aya sa kanyang paningin. Kaya kapit lang mga kapatid. Huwag bumitiw! Huwag matakot at mangamba dahil kasama natin ang Diyos. Umasa ka at magtiwala na hindi Niya tayo susubukin nang higit sa ating makakaya.
PANALANGIN:
O Mahal naming Ina, ilapit mo po kami sa iyong Anak. Manahan nawa siya sa aming buhay. Sa pamamagitan mo, idinudulog namin na makaramdam nawa kami ng kapanatagan ng kalooban, sa gitna ng suliraning pinagdadaanan, Amen.