Daughters of Saint Paul

Hunyo 21, 2024 – Biernes sa ika-11 Linggo sa Karaniwang Panahon | San Luis Gonzaga, namamanata sa Dios

BAGONG UMAGA

Paano kung ang ilaw mo’y madilim? Mapayapang araw ng Biernes mga kapanalig/mga kapatid! Maligayang kapistahan ni San Luis Gonzaga. Ito po si Sr Rose Agtarap ng Daughters of St. Paul para sa Mabuting Balita. Pagnilayan po natin ang Ebanghelyo ayon kay San Mateo kabanata anim, talata labing siyam hanggang dalawampu’t tatlo.

Ebanghelyo: Mateo 6:19- 23

Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Huwag dito sa lupa kayo mag-ipon ng inyong mga iniipon sapagkat dito’y masisira ang mga iyon ng mga kulisap at kalawang, at mananakaw ng magnanakaw. Sa piling ng Diyos kayo mag-ipon ng inyong iniipon; wala nga roong kulisap o kalawang na sisira, at walang magnanakaw. Malaman mo sana na kung nasaan ang iyong kayamanan, naroon din ang iyong puso. Ang iyong mata ang lampara ng iyong katawan; kung malinaw ang iyong mata, nasa liwanag ang buo mong katawan. Kung malabo naman ang iyong mata, nasa kadiliman ang buo mong katawan. At kung dumilim ang liwanag na nasa iyo, gaano pa kaya ang madilim!”

Pagninilay:

Sinulat po ni Sr. Gemmaria Dela Cruz ng Daughters of St. Paul ang pagninilay ngayon. Kapanalig/Kapatid, kung walang paningin, ano ang magsisilbing lampara ng ating katawan? Napanood n’yo ba ang movie na pinamagatang “Black”? Tungkol ito kay Michelle McNally na bukod sa bingi ay bulag pa siya. Itim lang ang nalalaman niya. Hindi siya maunawaan ng kanyang mga magulang. Violent na siya. Matigas ang loob. Nagbalak na ang parents niya na dalhin siya sa mental asylum. Pero nang dumating sa kanila ang isang teacher na tinuruan siya tungkol sa kahulugan ng liwanag sa kanyang buhay, tumugon siya step by step, lesson per lesson. Pinalakas ng teacher ang kanyang loob na lumabas hindi lang mula sa black corner ng kanilang bahay kundi sa maitim na sulok ng kanyang kalooban. Natuto siyang mag-sign language, nagpenetrate pa sa imagination niya ang itsura nito through the sense of touch. Bukod pa rito, nakapag-enrol siya sa University. Ang lessons ng professor ay iniinterpret thru sign language ng kanyang personal teacher. Doon lalong nagkaroon ng kahulugan ang kanyang buhay. Nang mag-graduation speech sya, proud niyang sinabi na: “Black is a color of achievement… of knowledge…of graduation.” Kung naging posible dahil sa teacher ang makakita ng liwanag ang isang bulag, pipi at bingi, mas higit pa ang bukal ng Liwanag. Sa mga umaandap-andap na ang paningin sa sarili at relihiyon, huwag mabahala. Si Hesus Maestro, ang Kabanal-banalan nating Teacher. He will open our eyes of faith. Tutulungan din tayo ni San Pablo. Hindi nga ba’t minarapat ng ating Hesus Maestro na pawiin muna ang kanyang paningin matapos ang kanilang holy encounter? Si St. Paul ang aakay at gagabay sa atin sa ating buhay pananampalataya.