BAGONG UMAGA
“Huwag kayong mag-alalang baka kayo kapusin.” Magandang araw ng Sabado mga kapanalig/mga kapatid! Kapistahan po ngayon nina San Paulino ng Nola, St John Fisher, Obispo at St Thomas More, martir. Ito po si Sr Rose Agtarap ng Daughters of St. Paul para sa Mabuting Balita. Pagnilayan po natin ang Ebanghelyo ayon kay San Mateo kabanata anim, talata dalawampu’t apat hanggang tatlumpu’t apat.
Ebanghelyo: Mateo 6:24 -34
Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Walang makapagsisilbi sa dalawang amo; siguradong kamumuhian ang isa at mamahalin naman ang isa pa, o magiging matapat sa una at mapapabayaan ang pangalawa. Hindi kayo makapaglilingkod sa Diyos at sa pera. Kaya sinasabi ko sa inyo: huwag mag-alala sa kakanin at iinumin para sa inyong buhay, o sa idadamit para sa inyong katawan. Di ba’t mas mahalaga ang buhay kaysa pagkain, at ang katawan kaysa damit? Tingnan ninyo ang mga ibon sa Langit: hindi sila naghahasik ni nag-aani, ni nag-iipon sa mga bodega, gayunma’y pinakakain sila ng inyong Amang nasa Langit. Di ba mas mahalaga kayo kaysa mga ibon? Sino sa inyo ang makapagdadagdag sa kanyang taas sa pagkabahala niya? At bakit kayo mababahala tungkol sa pananamit? Tingnan ninyo ang mga bulaklak sa bukid, sa pagtubo ng mga ito. Hindi sila nagtatrabaho o humahabi. Ngunit sinasabi ko sa inyo na kahit na si Solomon sa kanyang kayamanan ay hindi nakapagbihis gaya ng isa sa kanila. Kung ganito ang damit na ibinibigay ng Diyos sa mga damo – mga damong nasa bukid ngayon at susunugin bukas sa kalan-higit pa ang gagawin niya para sa inyo, mga taong kukunti ang paniniwala! Huwag na kayong mag-alala at magsabi: Ano ang ating kakainin? Ano ang ating iinumin? O, ano ang ating isusuot? Ang mga pagano ang nababahala sa mga bagay na ito, ngunit alam ng inyong Amang nasa Langit na kailangan ninyo ang mga ito. Kaya hanapin muna ninyo ang Kaharian at katarungan ng Diyos, at ibibigay rin sa inyo ang lahat ng ito. At huwag alalahanin ang bukas sapagkat bahala ang bukas na mag-alala sa kanyang sarili. Sapat na sa bawat araw ang sariling hirap nito.”
Pagninilay:
Ibinahagi po ni Sr. Edith Ledda ng Daughters of St. Paul ang pagninilay ngayon.
Pagtitiwala sa Diyos. Naranasan ko ito bago maoperahan sa puso ang kapatid naming bunso. Maliban sa napasok siya sa tinatawag na Z-benefits charity ng ospital kung saan siya ooperahan, malaking halaga pa rin ang dapat naming ipunin para sa operasyon bilang Co-Payer. Maraming salamat sa maraming taoang tumulong, pero hindi pa rin sapat ang naipon naming para sa mga pangangailangan. Isang “anghel” ang ipinadala ng Diyos bunga ng panalangin. Sa pamamagitan niya ay marami ang nagbigay ng guarantee letters na naipasok sa ospital. Salamat sa lahat ng tumulong at sa guarantee letters. Ang pagtitiwala sa Diyos ay nangangailangan din ng kaakibat na sakripisyo, sipag at tiyaga. Ang pumila sa Malasakit Center mula madaling araw ay totoong sakripisyo. Subalit naging malaking tulong ito sa akin dahil naranasan ko ang hirap na dinaranas ng mga taong nakasabay ko. Manalig tayo: magtiwala tayo na diringgin ang ating dasal ayon sa kalooban ng Diyos. Mga kapanalig/mga kapatid, ang ibon sa himpapawid ay hindi pinapabayaan ng Diyos. Ang mga bulaklak sa lupa na maringal ang kagandahan ay hindi pinababayaan ng Diyos; tayo pa kayang itinuring Niyang mga anak? Mga kapanalig/mga kapatid, ugaliin nating unahin ang para sa Diyos at totoo na lahat ng bagay ay susunod na. Sabi nga sa pagbasa, hanapin muna ninyo ang kaharian ng Diyos at ang kanyang kabanalan, at ibibigay niya sa inyo ang lahat ng mga bagay.