Daughters of Saint Paul

Hunyo 22, 2025 – Ika 12- Linggo ng Karaniwang Panahon | Kabanal Banalang Katawan at dugo ng Panginoon

Ebanghelyo:  LUCAS 9:11b-17

Nagsalita si Jesus sa mga tao tungkol sa kaharian ng Diyos, at pinagaling din niya ang mga nangangailangan ng lunas. Nang humapon na, lumapit sa kanya ang Labindalawa at sinabi sa kanya: “Paalisin mo ang mga tao para makalakad sila papunta sa mga nayon at bukid sa paligid nang makapagpahinga at humanap ng makakain. Sapagkat nasa ilang na lugar tayo rito.” At sinabi sa kanila ni Jesus: “Kayo ang magbigay ng makakain.” Ngunit sinabi nila: “Wala kaming anuman kundi limang tinapay at dalawang isda; o baka naman kami pa ang pupunta at bibili ng pagkain para sa lahat ng taong ito?” May mga limanlibong kalalakihan doon. Kaya sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Paupuin n’yo sila sa mga grupong tiglilimampu. Ganito nga ang kanilang ginawa at pinaupo ang lahat. At kinuha ni Jesus ang limang tinapay at dalawang isda, tumingala sa Langit at binasbasan ang mga ito, pinagpira-piraso at ibinigay sa kanyang mga alagad para ipamahagi sa mga tao. Kumain at nabusog ang lahat; at tinipon nila ang mga natirang pira-piraso– labindalawang basket.

Pagninilay:

Ngayong Linggo po ay Corpus Christi Sunday—Ipinagdiriwang po natin ang Dakilang Kapistahan ng Katawan at Dugo ng ating Panginoon. Nakita po natin sa Ebanghelyo na pinakain ni Hesus ang limanlibong tao sa pamamagitan ng limang tinapay at dalawang isda. Nakita natin na pagkatapos kumain ng mga tao, aba may natira pa! Labindalwang kaing na mga tinapay pa!

Alam ng Diyos ang ating gutom at uhaw, mga kapanalig. Sa lahat ng antas ng ating pagkagutom at uhaw (sa pisikal man, sa spiritual, emosyonal) alam po ‘yan lahat ng Diyos. At ano ang kanyang tugon sa ating gutom at uhaw? Ang punan tayo! Pero higit pa nga eh, may tira pa, may sobra pa. Ano’ng sinasabi sa atin nito, mga kapanalig? God doesn’t only provide, he sustains us, and sustains us abundantly.

Ang mas malaking hamon sa atin ngayon ay sana dalhin natin ang labindalawang kaing na mga tinapay sa mga taong gutom at hindi alam kung nasan si Hesus. Mga kapatid nating literal na gutom, mga gutom sa pagkalinga, pagkakaibigan, sa kapayapaan ng puso’t kalooban—dalhin natin doon yung mga tinapay na natira. Dalhin natin doon si Hesus upang sila ma’y makadama ng kaginhawaang hatid ng kabutihan at kasaganahan sa atin ng Diyos. Amen.