Daughters of Saint Paul

Hunyo 23, 2016 HUWEBES Ika-12 Linggo sa Karaniwang Panahon San Jose Cafaso

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: "Hindi lahat ng nagsasabi sa akin ng 'Panginoon! Panginoon!' ay papasok sa Kaharian ng Langit kundi ang nagsasagawa sa kalooban ng Diyos ang siyang papasok sa Kaharian ng Langit. Sa araw na iyon, marami ang magsasabing 'Panginoon, Panginoon, hindi ba kami nagsalita sa ngalan mo? Hindi ba't nagpalayas kami ng mga demonyo at gumawa ng mga himala sa ngalan mo? Ngunit sasabihin ko sa kanila nang walang paliguy-ligoy: 'Hinding-hindi ko kayo kilala; lumayo kayo sa akin kayong mga gumagawa ng masama.' Kaya kung may nakikining sa mga salita ko at sumusunod dito, matutulad siya sa isang matalinong nagtayo ng bahay sa batuhan. Bumagyo at bumaha ang ilog at humangin nang malakas ngunit hindi nagiba ang bahay sapagkat itinayo ito sa batuhan. Ang sinumang nakakarinig sa aking mga salita at hindi nagsasagawa nito, matutulad siya sa isang hangal na nagtayo ng bahay sa buhangin. Bumagyo at bumaha ang ilog at humangin nang malakas, at bumagsak ang bahay at kay laking kapahamakan!" Nang matapos si Jesus sa mga pananalitang ito, nagulat ang mga tao sa kanyang pangangaral sapagkat nangaral siya nang may kapangyarihan, hindi gaya ng kanilang mga guro ng Batas.

 

PAGNINILAY

Mga kapatid, nakapagtataka ang tugon ng Panginoon sa mga pagtatalo ng mga tumatawag sa Kanya ng "Panginoon, Panginoon!" Sa kabila kasi ng mga kabutihan nilang ginagawa – nagsasalita sa Ngalan ng Panginoon, nagpapalayas ng demonyo at gumagawa ng mga himala sa Ngalan ng Panginoon – hindi pa rin sila kinilala ng Panginoon. Sa halip, pinalayo sila dahil sa masasama nilang ginagawa. Marahil itatanong n'yo, masama ba ang mangaral, magpalayas ng demonyo, gumawa ng himala at ng mabuti sa ngalan ng Panginoon? Hindi masama ang mga ito, kung isinagawa ayon sa kalooban ng Diyos. Wika nga ng Panginoong Jesus: "Ang nagsasagawa ng kalooban ng Diyos ang Siyang papasok sa Kaharian ng Langit." Anumang ginagawa natin, dapat na ito'y naaayon sa kalooban ng Diyos dahil kung hindi, balewala ang lahat ng ito. Mga kapatid, paano ba natin malalaman ang kalooban ng Diyos? Malalaman natin ito kung lagi tayong nakikipag-usap sa Kanya sa panalangin; kung nagbabasa at nagninilay tayo ng Kanyang Salita; at hinihingi natin ang gabay at patnubay ng Banal na Espiritu sa lahat ng ating mga gawain. Malamang hindi kinalugdan ng Panginoon ang mga taong nabanggit dahil sinarili nila ang parangal. Baka ginamit pa nila ang pangalan ng Panginoon para kumita ng pera. Baka pansariling interes ang nanaig sa kanila, at hindi talaga tunay na paglilingkod sa Ngalan ng Panginoon.