Daughters of Saint Paul

HUNYO 23, 2020 – MARTES SA IKA-12 NA LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: Mt 7:6, 12-14

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Huwag ibigay ang banal sa mga aso o itapon ang inyong perlas sa mga baboy, at baka yapakan nila ito at balikan kayo at lapain. Kaya gawin ninyo sa iba ang gusto ninyong gawin sa inyo, ito ang nasa Batas at Mga Propeta. Pumasok sa makipot na pinto sapagkat malapad ang pintuan at malawak ang daan papunta sa kapahamakan, at marami ang pumapasok doon. Napakakipot naman ng pintong papunta sa buhay at mabalakid ang daan at kakaunti ang mga nakakatagpo rito.”

PAGNINILAY:

Mula sa panulat ni Sr. Edith Ledda ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo.  Nakita ko sa aking mga magulang ang kanilang pagsisikap upang kami ay buhayin. Sabi ng tatay namin mas masarap gastusin ang pera na galing sa sikap at pinaghirapan talaga. Nahinto ako sa pag-aaral matapos ang high school, dahil sa kakulangan ng pangtustos sa pag-aaral. Nakita ko kung paanong naghirap at nag sakripisyo ang aking mga magulang, maitaguyod lang ang pag-aaral ng dalawang kapatid naming nasa Manila. Madalas, madaling araw na natutulog ang aming tatay at nanay, lalo na kung may hinahabol na mga uniform ng mga estudyante. Ito ang naging larawan sa akin kung paano mabuhay. Sipag, sikap, tiyaga at sakripisyo! Mga halimbawa ito ng aking mga magulang na sinikap kung tularan. Sabi ng nanay namin, sanay sya sa hirap, kaya nakakaya nya ang mag sakripisyo at tulungan ang tatay namin sa kanyang hanap buhay. Sa mabuting balita, narinig natin ang tinatawag na “Golden Rule”. Gawin ninyo sa iba ang gusto ninyong gawin sa inyo. Sa isang banda, parang sinabi sa akin ng tatay at nanay, ito ang halimbawa namin, sundin at isabuhay mo din. Naalala ko ang sabi ng tatay, may kasabihan daw po na mag-ingat pumasok sa maluwang na daan, dala nito ay kapariwaraan, sa halip, sikaping tahakin makipot na daan, dulot nito ay kapayapaan. Dito pala galing sa sulat ni San Mateo ang kasabihang iyon. Si Jesus sa kanyang pagtuturo ay nagbibigay ng mga halimbawa kung paano tayo dapat mamuhay. Pinagsisikapan ang buhay na matuwid. Pinapahalagahan ang relasyon. Binibigyang panahon ang samahan. Binibigyan ng paggalang ang bawat tao dahil tayo ay kawangis ng Diyos. Harinawa, maisabuhay natin ang hamon ng ebanghelyo  ngayon, tahakin ang landasin ni Jesus, tahakin ang makipot na daan, ang ating kaligtasan. Harinawa, pagpalain tayo ng Panginoon. Amen, Amen.