Daughters of Saint Paul

HUNYO 23, 2021 – MIYERKULES SA IKA-12 LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: Mt 7:15-20

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Mag-ingat sa mga bulaang propeta na lumalapit sa inyo na parang mga tupa pero mababagsik na mga lobo naman sa loob. Makikilala ninyo sila sa kanilang mga bunga. Makapipitas ba ng ubas sa tinikan o ng igos sa dawagan? Namumunga ng mabuti ang mabuting puno, at namumunga naman ng masama ang masamang puno. Hindi makapamumunga ng masama ang mabuting puno, at ang masamang puno naman ay hindi makapamumunga ng mabuti. Pinuputol ang anumang puno na hindi namumunga ng mabuting bunga at itinatapon sa apoy. Kaya makikilala ninyo sila sa kanilang bunga.”

PAGNINILAY

Mula sa panulat ni Sr. Ma. Janice Golez ng Pious Disciples of the Divine Master o PDDM ang pagninilay sa ebanghelyo.  Kung ano ang puno; siya rin ang bunga. Ito’y kasabihan na tumutukoy sa mga pag-uugali ng mga anak na natutunan nila mula sa kanilang mga magulang. Oo nga naman, saan ba tayo nagsimulang matuto ng asal at pag-iisip kundi sa sarili nating magulang?  Maliban na lamang kung di tayo lumaki kasama nila. Sa Mabuting Balitang ating narinig, binalaan ni Hesus ang kanyang mga alagad na mag-ingat sa mga di totoong propeta. Sa kanilang pagkukunwari, marami silang nalilinlang at naililigaw ng landas. Dahil sa likas nilang kasamaan, imposibleng magbunga ng kabutihan ang kanilang mga turo’t gawain. Naaayon din ito sa sitwasyon natin bilang tao. Pamilyar tayo sa ekspresyon na, “manang-mana ka nga sa tatay mo” kapag may nakita tayong ugali o katangian sa isang anak na katulad ng kanyang ama. Pwedeng maganda, pwede din namang masamang pag-uugali. Pero deretsahan ding sinabi ni Hesus na kung ang puno ay di nakakapamunga ng mabuti, dapat itong putulin at itapon sa apoy.  Mga kapatid, kailangan nating tingnan nang mabuti at pagnilayan ang katotohanang ito. Kumusta ba tayo bilang mga punong itinanim ng ating Banal na Tagapagtanim—ang ating Diyos Ama? Kumusta naman ang ating bunga, mabubuti ba? Upang magsikap tayong maging mabubuting puno at magbunga din ng mabubuting bunga, balikan nating muli ang ating simula. Saan at kanino ba tayo nagmula? Di ba sa ating Diyos Ama na Syang lumikha sa atin bilang kawangis at katulad Niya? Eh, kung itinuturing natin Syang Ama, di ba dapat nagmana tayo sa Kanya? Siya ang ating Punong pinagmulan, kaya nararapat lang na bumalik tayo sa totoo nating pagkakakilanlan. (Siya’y likas na mabuti, kaya, likas din tayong mabuti at may kakayanan na magbunga rin ng mabuti. Sa pakikipag-ugnayan natin sa ating kapwa, obvious ba na anak tayo ng ating totoong Amang Lumikha? Sana, sa pananatili nating tapat sa pagsasabuhay ng kabutihan, makita ng iba ang katunayan na tayo nga ay manang-mana sa ating Amang nasa langit.)