Ebanghelyo: Lucas 1:57-66, 80
Nang sumapit ang panganganak ni Elizabeth, isang anak na lalaki ang isinilang niya. Narinig ng kanyang mga kapitbahay at mga kamag-anakan, nagdalang-awa sa kanya ang Panginoon kayat nakigalak sila sa kanya. Nang ikawalong araw na, dumating sila para tuliin ang sanggol at pangangalanan sana nila itong Zacarias gaya ng kanyang ama. Sumagot naman ang kanyang ina: “Hindi, tatawagin siyang Juan.” Pero sinabi nila sa kanya: “Wala ka namang kamag-anak na may ganyang pangalan.” Kaya sumenyas sila sa ama ng sanggol kung ano ang gusto nitong itawag dito. Humingi siya ng masusulatan, at sa pagtataka ng lahat ay kanyang isinulat: “Juan ang pangalan niya.” Noon di’y nabuksan ang kanyang bibig at nakalag ang kanyang dila. Nakapagsalita siya at nagpuri sa Diyos. Kaya namayani ang banal na pagkatakot sa kanilang kapitbahay. At naging usap-usapan ang lahat ng pangyayaring ito sa buong mataas na lupain ng Juda. Nag-isip-isip ang mga nakarinig at nagtanungan: “Ano na kaya ang mangyayari sa sanggol na ito?” Dahil sumasakanya talaga ang kamay ng Panginoon. Habang lumalaki ang bata, pinatatag siya ng espiritu. Nanirahan siya sa disyerto hanggang sa araw ng kanyang pagkakahayag sa Israel.
Pagninilay:
Masaya tayo kapag nakakatanggap tayo ng regalo mula sa ating mga mahal sa buhay pero mas nagiging masaya at nasosorpresa tayo kung may mga taong hindi natin inaasahan na magbigay sa atin ng regalo o kaya pinapasalamatan nila tayo sapagkat tayo ang nakapagbigay ng inspirasyon sa kanilang buhay upang magsumikap at umunlad ang kanilang pamumuhay. Ito ang naging karanasan nila Elizabeth at Zechariah. Matagal na silang mag asawa at matagal na silang hindi nagkakaanak. Malamang, dumating din sila sa punto ng buhay nila na umaasa parin sila na magkaanak pero sa pagkakataong ito at tumanda na nga sila dumating narin sila sa punto na tanggap na nila ang kagustuhan ng Diyos para sa kanila na hindi na sila magkakaanak. Pero ang hindi nila alam doon pala sa punto ng buhay nila na hindi nila inaasahan doon pala gumalaw ang Diyos sa buhay nila sa pamamagitan na bigyan sila ng anak na papangalanan nilang Juan na ang ibig sabihin ay “Yahweh mapagmahal.” Mga kapatid, minsan dumarating tayo sa buhay natin na suko na tayo na lumapit sa Diyos kasi minsan naiisip natin tila bagang wala naman nangyayari at akala natin hindi naman pinakikinggan ng Diyos ang ating mga panalangin. Minsan tinitingnan natin ang gating mga rejections sa buhay bilang tanda na hindi tayo mahal ng Diyos. Mga Kapatid, ang buhay ni Juan Bautista ang patunay sa buhay nila Zechariah at Elizabeth na tunay nga ang Diyos ay mapagmahal sa kabila ng pag iisip nila ng kawalan ng pag-asa. Kaya next time tingnan natin an gating mga rejection sa buhay bilang isang redirection sapagkat mas maganda ang plano ng Diyos kaysa sa mga plano natin. Dapat lagi lang tayong bukas sa plano niya.