BAGONG UMAGA
May kinakatakutan ka ba? Magandang araw ng Linggo mga kapanalig/mga kapatid! Ito po si Sr Rose Agtarap ng Daughters of St. Paul para sa Mabuting Balita. Pagnilayan po natin ang Ebanghelyo ayon kay San Marcos kabanata apat, talata tatlumpu’t lima hanggang apatnapu’t isa.
Ebanghelyo: MARCOS 4,35-41
Kinahapunan ng araw na iyon, sinabi ni Jesus sa mga alagad: “Tumawid tayo sa kabilang ibayo.”Kaya iniwan nila ang mga tao at namangka silang kasama ni Jesus sa bangkang inuupuan niya. At may iba pang mga bangka na kasabay nila. At nagkaroon ng malakas na ipuipo. Hinampas ng mga alon ang bangka at halos lumubog na samantalang tulog siya sa kutson sa hulihan. Kaya ginising nila siya at sinabi: “Guro, halos mamamatay na tayo at balewala sa iyo?” Pagbangon niya, inutusan niya ang hangin at sinabi sa dagat: “Tumahimik, huwag kumibo.”Nabawasan ang hangin at nagkaroon ng ganap na kapayapaan. At sinabi niya sa kanila: “Napakatatakot ninyo! Bakit? Wala pa ba kayong paniwala?” Ngunit lalo silang nasindak at nag-usap-usap: “Sino ito na pati hangin at dagat ay sumusunod sa kanya?”
Pagninilay:
Isinulat po ni Fr. JK Maleficiar ng Society of St. Paul ang pagninilay. Natatakot ka ba? Ano naman ang kinatatakutan mo? At bakit ka natatakot? Makapangyarihan ang takot. Kaya nitong patigilin ang ating mundo at sirain ang ating buhay. Nagiging paralisado ang marami dahil sa sobrang takot. Maaaring mawalan din tayo ng pag-asa at ng ganang mabuhay pa.
Kung natatakot ka sa kasalukuyan, nawa’y alalahanin mo na meron ka pa ring kakayahang pumili. Sana’y ‘wag mong piliin na magtago o magmukmok. Bagkus, piliin mo ang maging positibo. Piliin mo kung ano ang mabuti. Magtiwala ka sa iyong kakayahan. Ituon mo ang atensyon sa Diyos at manalig sa pag-asa.
Kapag pinili nating ituon ang atensyon sa Diyos at hindi sa takot, matutuklasan nati’y bagong lakas at inspirasyong magpatuloy sa buhay. Maririnig din natin ang paanyaya ni Hesus na tumawid sa kabilang ibayo. At sa ating pagtawid na kasama ang Panginoon, nakakatuwang malaman na, sa gitna ng takot na bumabalot sa atin, kaya pala nating gumawa ng kabutihan. Malalagpasan pala natin ang takot na umalipin sa atin.
Sabi nila FEAR also means Face Everything And Rise. Sa buhay, hindi mawawala ang takot. Subalit kaya natin itong harapin, lagpasan, at kaibiganin kung pipiliin lamang natin na sumampalataya sa totoong Kapangyarihan na gumapi sa takot, kasalanan, at kamatayan. Amen.