Daughters of Saint Paul

Hunyo 24, 2024 – Lunes sa ika-12 Linggo sa Karaniwang panahon | Ang Pagsilang ni San Juan Bautista 

BAGONG UMAGA

God’s timing is always perfect! Magandang araw ng Lunes mga kapanalig/mga kapatid! Ngayon po ang Dakilang Kapistahan ng Pagsilang kay San Juan Bautista. Maligayang fiesta po sa Kamaynilaan at sa lahat ng lugar na patron si San Juan! Ito po si Sr Rose Agtarap ng Daughters of St. Paul para sa Mabuting Balita. Pagnilayan po natin ang Ebanghelyo ayon kay San Lukas unang kabanata apat, talata limampu’t pito hanggang animnapu’t anim at walumpu.

Ebanghelyo: Lucas 1,57-66, 80

Nang sumapit ang panganganak ni Elizabeth, isang anak na lalaki ang isinilang niya. Narinig ng kanyang mga kapitbahay at mga kamag-anakan, nagdalang-awa sa kanya ang Panginoon kayat nakigalak sila sa kanya. Nang ikawalong araw na, dumating sila para tuliin ang sanggol at pangangalanan sana nila itong Zacarias gaya ng kanyang ama. Sumagot naman ang kanyang ina: “Hindi, tatawagin siyang Juan.” Pero sinabi nila sa kanya: “Wala ka namang kamag-anak na may ganyang pangalan.” Kaya sumenyas sila sa ama ng sanggol kung ano ang gusto nitong itawag dito. Humingi siya ng masusulatan, at sa pagtataka ng lahat ay kanyang isinulat: “Juan ang pangalan niya.” Noon di’y nabuksan ang kanyang bibig at nakalag ang kanyang dila. Nakapagsalita siya at nagpuri sa Diyos. Kaya namayani ang banal na pagkatakot sa kanilang kapitbahay. At naging usap-usapan ang lahat ng pangyayaring ito sa buong mataas na lupain ng Juda. Nag-isip-isip ang mga nakarinig at nagtanungan: “Ano na kaya ang mangyayari sa sanggol na ito?” Dahil sumasakanya talaga ang kamay ng Panginoon. Habang lumalaki ang bata, pinatatag siya ng espiritu. Nanirahan siya sa disyerto hanggang sa araw ng kanyang pagkakahayag sa Israel.

Pagninilay:

Ibinahagi po ni Sr. Deedee Alarcon ng Daughters of St. Paul ang pagninilay. Nakakaaliw ang kwento sa ating Mabuting Balita ngayon: Ang Pagsilang kay San Juan Bautista. Hindi nakaligtas sa pag-uusyoso ng mga kapitbahay ang mag-asawang Zacarias at Elizabeth. Naging usap-usapan daw sa buong bulubundukin ng Judea ang mga nangyari sa buhay nila. Mabilis kumalat ang balita, pinag-isipan pa nga daw ito ng mga nakabalita, takang-taka sila kung ano ang kahihinatnan ng batang si Juan “sapagkat nasa kanya ang kapangyarihan ng Panginoon.” Matatandaang nang mabalitaan ng kanilang mga kapitbahay at kamag-anak ang pagsilang ni Juan, nagdagsaan sila sa tahanan ni Elizabeth, marahil curious na makakita ng isang lola at lolong naging magulang for the first time. Hindi lang yan, bumalik ulit sila sa pagtutuli ng sanggol para mag-suggest ng pangalan ng bata. Minsan masyado tayong excited, gustong-gusto nating pangunahan ang mga plano ng Panginoon. Hindi tayo makapaghintay kaya gumagawa tayo ng paraan upang maisakatuparan ang mga nais natin. Kapag sumablay, saka pa lang natin naaalalang ni hindi man lang pala natin naisa alang-alang ang Kanyang kalooban. 

Sa Pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Pagsilang kay San Juan Bautista, magsumikap tayong magtiwala sa Diyos sa lahat ng pagkakataon. Manalangin. Sumangguni sa Kanya, huwag Siyang pangunahan. Hindi kailangang magmadali. Maghintay. Batid ng Diyos ang tamang oras para ibigay ang ating hinihiling kung ito’y makabubuti sa atin. God’s timing is always perfect. Napakabuti ng Diyos, ipinagkakaloob Niya sa atin ano mang makabubuti sa atin kahit hindi natin ito hinihiling.